VP Sara, pinasalamatan ang Laos at Thailand sa paglaban vs illegal drugs

MANILA, Philippines — Lubos ang pasasalamat ni Vice President Sara Duterte sa mga pamahalaan ng Laos at Thailand dahil sa kanilang patuloy na pagsisikap laban sa illegal drug trafficking at pagpapalakas ng seguridad sa rehiyon.
Ayon kay Duterte, nakatulong ang mga hakbang ng dalawang bansa upang mailigtas ang maraming pamilyang Pilipino mula sa masamang epekto ng droga at maging mas ligtas ang mga komunidad sa Pilipinas.
Kinilala rin ni VP Duterte ang mga hamong kinakaharap ng bansa sa pagsugpo sa kalakalan ng ilegal na droga.
Aniya, nauunawaan niya ang mga alalahanin sa papel ng Pilipinas sa pagpupuslit ng droga sa rehiyon at nagpahayag nang matinding pagsisisi na napasama ang bansa sa problemang ito.
Bilang miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), sinabi ni Duterte na may responsibilidad ang Pilipinas na gumawa nang higit pa.
Nangako siyang palalakasin ang pagpapatupad ng batas, pagbubutihin ang pagbabahaginan ng impormasyon sa mga kasaling bansa at palalalimin ang pakikipagtulungan sa mga katuwang sa ASEAN laban sa pagpupuslit ng droga sa pagitan ng mga bansa.
Aniya, handa ang Pilipinas na matuto mula sa karanasan ng mga kapitbahay nito at tuparin ang mga tungkulin bilang kasapi ng ASEAN, tungo sa mas ligtas at mas matatag na Southeast Asia.
- Latest



















