Lady Knights kapit-tuko sa liderato
MANILA, Philippines — Pinatigas ni Marie Judiel Nitura ang kapit ng Letran sa top spot matapos nilang kalusin ang Lyceum of the Philippines University, 25-22, 25-17, 25-23, sa NCAA Season 100 women’s volleyball tournament kahapon sa FilOil Arena sa San Juan City.
Umalagwa ang Lady Knights sa unahan tangan ang 11-2 karta at nasa pangalawang puwesto ang nagdedepensang St. Benilde Lady Blazers sa bitbit na 9-2 baraha.
Nahirang na Best Player of the Game si Nitura matapos irehistro ang 18 points mula sa 15 attacks, dalawang blocks at isang service ace.
Bumakas si Gia Marcel Maquilang ng 17 markers kasama ang 15 kills at dalawang blangka, habang 12 points ang kinana ni Sheena Vanessa Sarie para sa Lady Knights na ipinalasap sa Lady Pirates ang pang pitong kabiguan sa 13 salang.
Ipagpapatuloy ng Lady Knights ang pagkadena ng panalo pagharap nila sa San Sebastian College-Recoletos sa Martes sa parehong venue.
Bumira si Ashley Muchillas ng 12 points pero hindi sapat upang itaguyod sa panalo ang LPU na napako sa seventh place.
Tsansang makabangon ng Lady Pirates sa Miyerkules laban sa San Beda University.
Samantala, nagwagi naman ang Mapua University sa University of Perpetual Help System DALTA, 25-17, 25-23, 25-19, sa unang laro.
- Latest























