NCR nagparamdam na sa titulo
DAVAO CITY, Philippines — Patuloy ang paghakot ng National Capital Region ng mga gintong medalya papasok sa huling dalawang araw ng 2019 Palarong Pambansa kahapon dito.
Kumolekta ang mga Big City athletes ng 53 gold, 43 silver at 38 bronze medals na tinampukan ng anim na ginto ng 11-anyos na gymnast na si Karl Jahrel Eldrew Yulo.
Naghari ang Grade Five student ng A. Quezon Elementary School ng mga gold medals sa horizontal bar, vault, mushroom, floor exercise, individual all-around at team championship ng elementary boys’ artistic gymnastics.
Nasa ilalim ng NCR sa overall medal standings ang Region IV-A na may 36 golds, 27 silvers at 52 bronzes kasunod ang Region VI (36-19-29), Region XII (21-31-19), Region V (16-17-21), Region III (15-21-14), Region VII (10-12-19), CARAA (10-7-17), Region I (10-7-12), Region VIII (8-3-12), Region X (6-19-17) at CARAGA (6-5-5).
Sa swimming, naglista sina NCR tankers Xiandi Chua, Mikaela Jasmine Mojdeh, Samantha Therese Coronel at Thanya Dela Cruz ng bagong record na 4:32.49 sa secondary girls’ 400m medley relay.
Si Chua ay may mga bagong Palaro mark sa secondary girls’ 200m breaststroke (2:43.08) at 200m individual medley (2:23.86).
Nagtala naman ng mga bagong record sa athletics sina Alfrenze Braza ng Region VI sa secondary boys’ 1,500m (4:01.95) at Gennah Malapit ng Region IV-A sa elementary girls’ javelin throw (46.57m).
Sa taekwondo, siyam na gold medals ang sinipa ng NCR samantalang may walo at pito ang CARAA at Region VI, ayon sa pagkakasunod.
Sa arnis, pitong ginto ang inangkin ng Region XII, habang tatlo ang ibinulsa ng Region V.
- Latest


















