Curry-less Warriors taob sa Mavs

DALLAS – Nagpasabog si Cooper Flagg ng 33 points at may 21 markers si P.J. Washington Jr. para tapusin ng Mavericks ang kanilang three-game losing skid sa pamamagitan ng 116-94 panalo sa Golden State Warriors.
Kumolekta rin si Flagg ng siyam na assists, limang rebounds at tatlong steals.
Tumipa si Kyrie Irving ng 17 points para sa Dallas (8-7) na nagposte ng 29-point lead patungo sa kanilang panalo.
Umiskor si Will Richard ng 18 points para sa Golden State (8-7) na nahulog sa apat na dikit na kamalasan simula nang magkaroon si Stephen Curry ng tore oblique muscle sa kanilang kabiguan sa Houston Rockets.
Sinimulan ni Irving ang isang 16-2 atake ng Mavericks sa pagsisimula ng third period para iposte ang 80-53 bentahe.
Mula rito ay hindi na nakabangon ang Warriors.
Sa Oklahoma City, kumana si Onyeka Okongwu ng 28 points para tulungan ang Atlanta Hawks sa 117-112 pagdagit sa Thunder.
Nagsumite si Jalen Johnson ng triple-double na 16 points, 12 rebounds at 11 assists para sa Atlanta (9-6) na kumonekta ng 20 three-point shots.
Sa iba pang laro, wagi ang Memphis Grizzlies sa Cleveland Cavaliers, 124-121; pinasabog ng Houston Rockets ang Indiana Pacers, 119-104; tinusta ng Miami Heat ang Milwaukee Bucks, 137-130; panalo ang Philadelphia 76ers sa Orlando Magic, 121-116; sinuwag ng Chicago Bulls ang Brooklyn Nets, 137-107; at pinatumba ng Utah Jazz ang Los Angeles Lakers, 109-97.
- Latest


















