Jawo naging inspirasyon ng Strikers laban sa Stars
Laro Ngayon: (Ynares Sports Center, Antipolo)
7 p.m. – Navotas vs.Bataan
9 p.m. – Makati vs. Rizal
MANILA, Philippines — Naging ganado tuloy ang Bacoor Strikers sa biglang pagdating ni ‘Living Legend’ Robert Jaworski, Sr. kaya pinataob nila ang paboritong Manila Stars, 92-86, sa pagpapatuloy ng 2018-2019 Maharlika Pilipinas Basketball League Datu Cup noong Lunes ng gabi sa Olivarez College Gym sa Parañaque City.
Kumamada si Gab Banal ng triple-double sa kanyang 17 points, 15 rebounds at 10 assists para masungkit ng Strikers ang pang-siyam na panalo sa 18 na laro at ibagsak ang Stars ni coach Philip Cezar sa sa ikalawang puwesto kasama ang San Juan Knights sa pareho nilang 16-4 kartada sa Northern Division.
“We had brunch with Senator Jaworski and somehow, the players were motivated to come back and get better,” sabi ni Chaye Cabal-Revilla, asawa ni Congressman Strike Revilla na may-ari ng Bacoor team.
Bukod kay Banal, ganadung-ganado rin sina Mark Montuano na nagdagdag ng 16 points, 7 rebounds at 3 assists at Rama Morales na tumapos na may 14 points, 4 rebounds at 1 assist para iangat ang Strikers sa ika-limang puwesto kasama ang Gen. Santos Warriors sa magkatulad nilang 9-9 baraha sa Southern Division.
Sa iba pang laro, nakaeskapo naman ang Quezon City Capitals kontra sa Parañaque Patriots, 65-64, upang masungkit ang pang-walong panalo sa 17 laro at umakyat sa solo sixth spot sa Northern group, habang ang Patriots ay nakatikim ng kanilang ika-11 pagkatalo sa 19 na laban.
- Latest