Premyo ng Pinoy Sports Idol winner naibigay na ng PAGCOR
MANILA, Philippines - Naibigay na kay Pinoy Sports Idol Season 9 winner na si Charizza Camille Alombro ng Philippine Gaming Corporation (PAGCOR) ang pangakong premyo na all-expenses paid trip sa anumang international competition na gusto nitong lahukan.
Sasali ang taekwondo jin sa 4th Chicago International Taekwondo Winter Games sa Illinois sa Nobyembre 11-13 kasama ang kapatid nitong si Raymund.
Noong una ay sinabi ng PAGCOR na hindi maibibigay ang pangakong premyo sa 16-taong gulang na taekwondo varsity team member ng University of the Philippines-Diliman na siyang nagwagi sa reality TV show noong Hunyo 24, 2009.
Maliban sa isang college scholarship grant, pinangakuan rin si Alombro ng libreng biyahe sa kahit anong bansa upang sumali sa anumang kompetisyon na sagot ng PAGCOR.
Ang ama ni Charizza ay isang taxi driver at housewife naman ang ina, kaya nga’t nawalan na siya ng pagasang makasali sa kompetisyon dahil ang gastusin ay aabot sa $4,000.
Si Alombro, isang BS Geology sophomore sa UP, ay nagdagdag ng isang silver at bronze medal sa 6th Korea Open International Taekwondo Championships noong nakaraang taon.
- Latest
- Trending