Bossing sinibak ng Beermen
MANILA, Philippines — Nang kumawala ang San Miguel sa fourth quarter ay hindi na nakahabol ang Blackwater.
Sinibak ng Beermen ang Bossing, 124-109, para itagay ang ika-10 sunod na panalo sa Season 48 PBA Philippine Cup kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Nagposte si CJ Perez ng 26 points, 5 assists at 5 rebounds at may 25 at 21 markers sina Don Trollano at seven-time PBA MVP June Mar Fajardo, ayon sa pagkakasunod.
“We just have to play as a unit and just play together we will be okay. That’s what we did here in the second half, especially in the fourth quarter,” ani coach Jorge Gallent.
Nag-ambag si Jericho Cruz ng 14 points habang may 12 markers si Terrence Romeo kasunod ang 11 points ni Marcio Lassiter tampok ang tatlong triples.
Kasabay ng arangkada ng SMB ay ang pagreretiro sa No. 29 jersey ni nine-time PBA champion Arwind Santos sa halftime.
Bagsak ang Blackwater sa 3-7 marka kasama ang pang-pitong sunod na kamalasan para samahan sa bakasyon ang Phoenix (3-7) at Converge (1-9).
Mula sa seven-point deficit sa halftime ay dumikit pa ang Bossing sa 57-60 sa pagbubukas ng third period bago nagtayo ang Beermen ng 78-68 abante sa 4:47 minuto nito mula sa layup ni Trollano.
Huling nagbanta ang Blackwater sa 80-88 sa pagsasara ng nasabing yugto, hanggang maghulog ang San Miguel ng isang 13-0 bomba para ilista ang 101-80 abante sa 8:41 minuto ng fourth quarter.
- Latest