Cotto 'di uurungan si Pacquiao
Kung si Puerto Rican twodivision champion Miguel Cotto ang tatanungin, wala siyang uurungan maski na si Filipino boxing superstar Manny Pacquiao.
Ayon kay Cotto, ang dating World Boxing Association (WBA) welter-weight titlist, si Bob Arum ng Top Rank Promotions na ang bahala kung pag-haharapin sila ng world four-division ruler na si Pacquiao ngayong 2009.
“My promoter has set some plans for me, and if Manny Pacquiao is part of those plans, I’m ready to fight him,” sabi ng 28-anyos na si Cotto sa posible nilang banggaan ng 30-anyos na si Pacquiao. “I am always available to fight the big names, and Manny Pacquiao is one of them.”
Ang sinumang makaharap ni Pacquiao ay tiyak nang makakakuha ng malaking prize money bunga na rin ng pag-agaw nito ng world super featherweight crown kay Juan Manuel Marquez noong Marso 15, ang paghubad ng lightweight belt kay David Diaz noong Hunyo 28 at ang eight-round TKO kay Oscar Dela Hoya noong Disyembre 7.
Itinakda na ni Arum ang megafight nina Pacquiao at Briton world light welterweight king Ricky Hatton sa Mayo 2.
Kasalukuyan namang naghahanda si Cotto, hinubaran ni Mexican Antonio Margarito ng WBA welterweight title via 11th-round TKO noong Hulyo 26, sa kanyang laban kay Michael Jennings sa Pebrero 21 para sa bakanteng World Boxing Organization (WBO) welterweight belt.
Ang nasabing kabiguan kay Margarito, nasa kampo rin ng Top Rank ni Arum, ang magsisilbing leksyon kay Cotto.
“We are going to take a look in camp on what exactly affected us,” sabi ni Coto. “What hurt us in the fight and work to correct those things.” (Russell Cadayona)
- Latest
- Trending
























