Beermen humirit ng ‘do-or-die’ Game 5
MANILA, Philippines — Magtatagayan pa ang mag-utol na San Miguel at Barangay Ginebra sa Martes ng gabi.
Ito ay matapos bumangon ang Beermen mula sa isang 17-point deficit sa third period para resbakan ang Gin Kings, 108-102, sa Game Four at itabla ang kanilang Season 50 PBA Governors’ Cup quarterfinals series kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Iniskor ni import George King ang 18 sa kanyang 35 points sa third quarter para banderahan ang San Miguel sa 2-2 pagtabla sa Ginebra sa kanilang best-of-five showdown.
Pag-aagawan ng Beermen at Gin Kings ang semifinal berth sa Martes para sa maghahamon sa nagdedepensang TNT Tropang 5G sa best-of-five series.
“It will be a do-or-die game for us and Ginebra, expect na there’s a lot of physicality and a lot of emotion, and I think that is good for the fans,” sabi ni SMB coach Leo Austria na nakahugot kay Chris Ross ng 20 markers.
Ang layup ni import Jordan Murphy ang nagbigay sa Gin Kings ng isang 17-point lead, 61-44, sa pagbubukas ng third period.
Sinindihan ni King ang isang mahabang 22-0 atake ng Beermen katuwang sina Ross, CJ Perez at Marcio Lassiter para sa kanilang 66-61 abante sa 6:12 minuto nito.
Isinara ng San Miguel ang nasabing yugto bitbit ang 14-point advantage, 87-73, na kanilang pinalobo sa 98-79 mula sa free throw ni King sa 7:52 minuto ng fourth quarter.
Naputol ito ng Ginebra sa 100-103 sa huling 2:15 minuto ng laro sa likod nina Scottie Thompson, Troy Rosario at Nards Pinto.
Muling inilayo ni King ang Beermen sa 105-100 mula sa kanyang turnaround jumper sa 1:55 minuto, habang ang free throws ni Thompson ang nagdikit sa Gin Kings sa 102-105 sa nalalabing 25.9 segundo.
Imbes na traveling violation kay King ay foul ang itinawag ni referee Mardy Montoya kay Thompson sa huling 20.7 segundo. Nagresulta ito sa dalawang foul shots ng balik-import para sa 107-102 lead ng SMB.
- Latest



















