Alas Women may misyon sa Thailand
MANILA, Philippines — Babawian ng Alas Pilipinas Women ang host Thailand sa paghataw ng Leg 2 ng 6th Southeast Asia (SEA) V Cup Women’s Volleyball sa Chiang Mai.
Muling magtutuos ang mga Pinay spikers at mga Thais ngayong alas-5:30 ng hapon sa 700th Anniversary Chiang Mai Sports Complex.
Yumukod ang Alas Women sa Thailand, 17-25, 25-19, 15-25, 25-18, 10-15, sa una nilang pagkikita sa Leg 1 ng SEA V Cup na idinaos sa Dong Anh Gymnasium sa Hanoi, Vietnam.
Sa nasabing laro ay nakabangon ang Nationals mula sa 5-9 pagkakaiwan sa fifth set para makadikit sa 9-11 agwat sa likod nina Leg 1 Best Opposite Spiker Alyssa Solomon at Bella Belen.
Ngunit nakabalik sa porma ang Thailand para tuluyan nang kumpletuhin ang five-set win.
Bukod kina Solomon at Belen ay muli ring ibabandera ng Alas Women sina team captain Jia De Guzman, Eya Laure, Vanie Gandler, Erika Santos at Nina Ytang.
Ang iba pang lalaro ay sina Fifi Sharma, Mars Alba, Thea Gagate, Dawn Macandili, Dell Palomata, Jasmine Jazareno at National University standout Vange Alinsug.
Maliban sa Thailand, talo rin ang Alas Women sa host Vietnam, 27-29, 17-25, 25-20, 18-25, at sa Indonesia, 20-25, 19-25, 22-25, 16-25, sa agawan sa bronze medal sa Leg 1.
Matapos labanan ang mga Thais ay sasagupain ng tropa ni Japanese coach Taka Minowa ang mga Vietnamese bukas ng alas-2 ng hapon kasunod ang mga Indonesians sa Linggo sa parehong oras.
Ang kabiguan sa Leg 1 ang naglaglag sa Alas Women sa No. 65 sa pinakabagong FIVB World Rankings mula sa pagiging No. 45.
- Latest
























