Gilas buhay pa!

Kazakhstan tinambakan
MANILA, Philippines — Nagpaulan ang nagdedepensang Gilas Pilipinas ng 16 three-point shots sa pangunguna nina Jerrick Ahanmisi at Robert Bolick para buhayin ang tsansa sa quarterfinals ng 20th Asian Games men’s basketball tournament.
Pitong triples ang isinalpak ni Ahanmisi, habang may apat na tres si Bolick sa 109-78 pagmasaker ng Gilas Pilipinas sa Kazakhstan kahapon sa Aichi International Arena sa Nagoya, Japan.
Tumapos si Ahanmisi na may team-high 22 points kasunod ang 20 markers ni Bolick para sa 1-1 record ng Nationals sa Group C at makabangon mula sa naunang 85-89 kabiguan sa Bahrain noong Biyernes.
Laglag ang mga Kazakhs sa 0-2 marka matapos ang 61-99 pagyukod sa China kamakalawa.
Binuksan ng Gilas Pilipinas ang laro sa 11-0 hanggang kumamada si Bolick ng 13 points para iwanan ang Kazakhstan sa 38-17 sa 4:56 minuto sa second period.
Ilang beses nakadikit ang Kazakhs sa third quarter, ang huli ay sa 58-67, bago muling umarangkada ang Nationals sa fourth period para lumayo sa 97-74 sa likod ng apat na dikit na triples ni Ahanmisi sa huling 3:24 minuto nito.
Samantala, dumiretso ang China sa ikalawang sunod na panalo matapos ang 105-59 demolisyon sa Bahrain patungo sa quarterfinals.
Umiskor si Liao Sanning ng 23 points para pamunuan ang mga Chinese na nagmula sa 38-point win sa mga Kazakhs noong Biyernes.
Pasok na din sa quarterfinals ang host Japan at South Korea mula sa magkatulad nilang 2-0 baraha sa Group A.
Tinakasan ng mga Japanese ang Saudi Arabia, 86-80, habang minasaker ng mga South Koreans ang Indonesia, 102-48.
Ang top two teams sa bawat group at ang dalawang best third-placed teams ang papasok sa quarterfinals.
- Latest
























