EDITORYAL — Anti-epal provision, balak alisin sa budget ng DSWD
SA Senate deliberations noong Nobyembre 25 hinggil sa panukalang budget ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), ibinunyag ni Sen. Panfilo Lacson na may ilang mambabatas ang nagtatangkang alisin ang anti-epal provision sa panukalang pambansang budget para sa 2027.
Isa ang naturang probisyon sa magagandang repormang ipinatupad sa ilalim ng 2026 General Appropriations Act.
Ipinagbabawal nito ang pagpapaskil ng pangalan at mukha ng mga opisyal ng pamahalaan sa mga proyekto at programang pinondohan ng taumbayan, kabilang na ang pamamahagi ng ayuda.
Bakit nais pang alisin ng ilang mambabatas ang isang probisyong naglalayong pigilan ang paggamit ng pondo ng bayan para sa pansariling interes sa pulitika?
Lalo itong nakababahala ngayong papalapit na ang 2028 national elections.
Samantala, kinuwestiyon din ni Bagong Henerasyon party-list Rep. Robert Nazal ang laki ng pondong nakalaan sa iba’t ibang programa ng ayuda sa panukalang P7.2-trilyong budget para sa susunod na taon.
Tinatayang nasa P600 bilyon umano ang kabuuang pondong inilaan para sa mga programang ito. Kabilang sa mga programang tinukoy ang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS), TUPAD at medical assistance para sa mahihirap na pasyente.
Hindi naman masama ang pagbibigay ng ayuda, lalo na sa mga kababayang nangangailangan. Ang problema ay kapag nagagamit ito ng mga pulitiko upang magpalakas sa kanilang mga botante.
Dapat ipaubaya sa mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan ang pamamahagi ng ayuda batay sa pangangailangan ng mga benepisyaryo at hindi sa kagustuhan o rekomendasyon ng mga pulitiko.
Higit din sanang pagtuunan ng pansin ang paglalaan ng pondo sa mga programang makapagbibigay ng permanenteng trabaho at pangmatagalang kabuhayan upang hindi habambuhay na umasa sa ayuda ang mga mamamayan.
Sa nalalapit na bicameral conference hinggil sa pambansang budget, dapat manindigan ang mga mambabatas na nagsusulong ng reporma. Hindi dapat hayaang maibalik ang mga probisyong nagbibigay-daan sa iba’t ibang anyo ng pork barrel at pamumulitika.
Kailangang maunawaan ng bawat Pilipino na ang ayudang kanilang natatanggap at mga proyektong kanilang napakikinabangan ay hindi regalo mula sa mga pulitiko. Hindi dapat tumanaw ng utang na loob ang taumbayan sa mga pulitiko dahil lamang sa paggastos ng perang nagmula rin naman sa kanilang mga buwis.
- Latest















