EDITORYAL - Ano ang kapalit ng Pax Silica?
Sa gitna ng mga protesta laban sa kontrobersiyal na Pax Silica, nilinaw ni President Ferdinand Marcos Jr. na wala pang pinal na kasunduan hinggil sa planong pagtatayo ng industrial hub sa New Clark City, Capas, Tarlac.
Tiniyak din ni Marcos na walang itatayong data centers sa naturang lugar. Dahil sa ingay ng Pax Silica, dagsa ang nag-rally sa pagbisita ni US Pres. Donald Trump sa bansa na nataon sa ASEAN Summit.
Ang Pax Silica ay isang inisyatiba ng United States na naglalayong patatagin ang pandaigdigang supply chain ng semiconductors, critical minerals at iba pang materyales na kailangan sa pagpapaunlad ng artificial intelligence (AI).
Inaasahang makahihikayat ito ng $40 bilyon hanggang $70 bilyong pamumuhunan at makalilikha nang mahigit isang daang libong trabaho.
Subalit bago magpasilaw sa mga pangakong ito, mahalagang alamin muna kung ano ang magiging kapalit sa pagtatayo ng industrial hub sa bansa.
Ayon sa Bases Conversion and Development Authority (BCDA), maaaring mangailangan ang industrial hub ng 65 hanggang 90 milyong litro ng tubig kada araw.
Paano matitiyak na hindi nito maaapektuhan ang suplay ng tubig ng mga karatig na komunidad at sakahan?
Nakababahala rin ang kapalaran ng 40 pamilyang Aeta Hungey na nanganganib mapaalis sa kanilang komunidad. Sa loob ng mahigit dalawang dekada, hinihintay nila ang pormal na pagkilala sa kanilang ancestral land.
Nakalulungkot na kayang magmadali ng pamahalaan sa paghahanda ng lupain para sa mga dayuhang mamumuhunan ngunit inaabot ng ilang dekada ang pagkilala sa karapatan ng mga katutubo.
Dapat ding busisiin kung hanggang saan ang pakinabang ng Pilipinas sa proyekto. Magkakaroon ba ang Pilipinas ng kakayahang lumikha ng sariling teknolohiya o mananatili lamang tagasuplay ng raw materials at cheap labor?
Kung wala pang pinal na kasunduan, ngayon ang tamang panahon upang igiit ang malinaw na mga garantiya sa pangangalaga ng kalikasan, karapatan ng mga katutubo, paglikha ng de-kalidad na trabaho at paglilipat ng kaalaman at teknolohiya sa mga Pilipino.
Hindi masamang hangarin na makasabay sa pag-unlad ng teknolohiya. Ngunit kung ang kapalit nito ay pagkawala ng ancestral land ng mga Aeta, pagkasira ng kalikasan at patuloy na pagdepende sa ibang bansa, marapat lamang itanong: Kaunlaran ba ito ng Pilipinas o kaunlaran ng mga dayuhan na Pilipino ang magbabayad ng halaga?
- Latest















