^

PSN Opinyon

LTO at HPG, gising

ORA MISMO - Butch M. Quejada - Pilipino Star Ngayon

Kalsada ba ito o karera ng mga walang pakialam sa buhay ng pasahero?

Nakakagigil at nakakaalarma ang tila walang prenong pamamayagpag ng ilang electric three-wheeler o e-cart sa kahabaan ng Sumulong Highway at Marcos Highway, mula Antipolo, Cainta hanggang Marikina.

Kung makakita ka ng mga e-trike na pagewang-gewang kung tumakbo, singit dito, singit doon, at kung minsan ay tila walang pakialam sa mga kasabay na sasakyan, hindi ka ba kakabahan? Ang mas nakakatakot, may mga pasaherong nakasakay sa likod ng bawat manibela. Mga buhay na nakataya sa bawat alanganing liko at biglaang pagsingit!

Ang tanong: Nasaan ang gobyerno? Nasaan ang LTO? Nasaan ang HPG?

Kailangan pa bang may maaksidente, may masawi, o may pamil­yang mawalan ng mahal sa buhay bago kumilos ang mga kinauukulan? Bakit tila nagbubulag-bulagan sa ganitong sitwasyon? Hindi ba dapat inuunahan ang aksidente sa halip na saka lamang magpapakita kapag may dugo nang tumulo sa kalsada?

Kung hindi ligtas at hindi angkop ang mga e-trike/cart sa mabilis at mabigat na daloy ng trapiko sa highway, bakit hindi pag-aralan at ipa­tupad ang malinaw na pagbabawal sa mga pangunahing lansangan na gaya ng Sumulong at Marcos Highway? Hindi sapat ang basta-bastang panghuhuli. Kailangan ng seryosong regulasyon, malinaw na ruta, at mahigpit na pagpapatupad ng batas.

Hindi rin ligtas sa reklamo ang ilang pampasaherong jeep na ginagawang concert hall ang kanilang sasakyan. Todo-birit ang radyo at stereo, halos mabingi na ang mga pasahero! Ang jeep ay pampublikong transportasyon, hindi personal na sound system ng driver. May mga senior citizen, bata, manggagawa at pasaherong pagod na sa biyahe na napipilitang magtiis sa ingay.

LTO at HPG, calling!

Hindi trabaho ng mga pasahero ang ma­ngamba sa bawat singit ng e-trike o magtiis sa nakakabinging tugtog ng jeep. Trabaho ng mga awtoridad na tiyaking ligtas, maayos at makatao ang biyahe.

Huwag hintaying may maging headline na “trahedya sa highway” bago magpakita ng aksiyon. Ang kaligtasan sa kalsada ay hindi dapat naka­depende sa swerte.

Gumising ang mga kinauukulan! Ang highway ay hindi playground, ang pasahero ay hindi pang-testing ng preno, at ang buhay ng tao ay hindi dapat isugal sa kapabayaan at kawalan ng disiplina.

Disclaimer: Ang arti­kulong ito ay opinyon at panawagan para sa kalig­tasan ng publiko. Ang mga nabanggit na isyu ay dapat imbestigahan at beripikahin ng mga kinau­ukulang awtoridad. Hindi ito pahayag ng pinal na paghatol laban sa sinumang indibidwal o grupo.

LTO

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with