^

PSN Opinyon

P611 milyon – Sino ang mananagot?

ORA MISMO - Butch M. Quejada - Pilipino Star Ngayon

Sa bansang ang mahirap ay hirap nang makahanap ng pambili ng bigas, nakaka-buwisit isipin na daan-daang milyong piso ang sangkot sa kontrobersiya sa mga proyektong dapat sana’y proteksiyon ng taumbayan laban sa baha.

Tatlong bilang ng kasong graft ang isinampa laban kay dating Pampanga Third District Rep. Aurelio “Dong” Gonzales Jr. sa Sandiganbayan kaugnay ng umano’y conflict of interest sa mga proyektong flood control na nagkakahalaga ng P611 milyon.

Ayon kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla, nakabatay ang pagsasampa ng kaso sa mga rekord ng Anti-Money Laundering Council. Umiikot ang alegasyon sa umano’y pagkakaugnay ni Gonzales sa A.D. Gonzales Construction noong nakaupo pa siya bilang kongresista.

Ang masakit na tanong: kung totoong nagbitiw siya sa interes sa negosyo, bakit umano’y bumabalik pa rin sa kanyang mga personal na bank account ang perang dumaan sa mga kompanyang may kaugnayan sa naturang transaksiyon? Iyan ang sinasabing lumitaw sa pagsusuri ng mga rekord ayon sa Ombudsman.

Hindi pa ito hatol ng korte. Alegasyon pa lamang ang mga kasong isinampa at may karapatan si Gonzales na ipagtanggol ang sarili. Pero hindi rin dapat gamitin ang prinsipyong “innocent until proven guilty” para patahimikin ang publiko o pigilan ang pagtatanong. Karapatan ng mamamayan na malaman kung saan napupunta ang perang galing sa kanilang buwis.

Tinawag ng Ombudsman na “congtractor” si Gonzales—tawag sa mga mambabatas na umano’y may interes sa mga construction firm na kumukuha ng kontrata sa mga proyektong pampubliko. Kung mapatutunayan ang ganitong uri ng salungatan ng interes, malinaw na hindi lang ito simpleng usapin ng negosyo. Usapin ito ng tiwala, kapangyarihan at posibleng pag-abuso sa puwesto.

Lalo pang nakakagalit ang ganitong kontrobersiya dahil baha ang kalaban ng maraming komunidad. May mga ­pamilyang namatayan, may mga inaanod ang gamit, may mga manggagawang hindi makapasok sa trabaho, at may mga batang pumapasok sa eskuwelahang lubog sa tubig. Kung may anomalya sa pondong inilaan para sa flood control, ang taumbayan ang unang nagdurusa.

Sa halip na puro pangako tuwing eleksiyon, kailangan natin ng malinaw na sagot, bukas na rekord at patas na paglilitis. Walang dapat maging untouchable mambabatas man, negosyante o makapangyarihang opisyal.

Hindi sapat ang magturuan kapag may iskandalo. Kung may sala, panagutin. Kung walang sala, patunayan sa korte. Pero huwag hayaang malunod sa baha ng palusot ang hustisyang matagal nang hinihintay ng mga nasa laylayan.

DISCLAIMER: Opinyon at komentaryong pampubliko ang artikulong ito batay sa mga iniulat na alegasyon. Hindi ito pahayag na napatunayan nang nagkasala si Aurelio “Dong” Gonzales Jr. Ang pagpapasya sa kanyang pananagutan ay nakasalalay sa proseso ng batas at sa ebidensiyang ihaharap sa korte.

AURELIO “DONG� GONZALES JR.

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with