Kaya pala sinuspinde panghuhuli ng mga puting plaka
NANG dahil sa ambisyon ni Land Transportation Office (LTO) chief Asec. Markus Lacanilao sa kasuklam-suklam na backlog ng mga plaka ng sasakyan abay may ganire palang mga pangyayari sa mga nai-release na Black and White Plate. Marami kasi ang umangal ng magparehistro via Online kasi nga, hindi mabasa ng scanner ang QR Code ng mga plakang puti na naikabit sa mga sasakyan ng idaan ito sa Smoke Test at Vehicle Inspection. Kaya uminit ang ulo nang ilan nating mga kababayan. Sa totoo lang ilan sa kanila ay nai-deliver sa kanilang mga kabahayan ang mga plaka at sabik na ikinabit ito sa kanilang sasakyan dahil ang buong akala nila ay orihinal ito dahil galing mismo sa LTO Central Office.
Ganire kasi ‘yon mga suki, maging ang inyong lingkod ay kabilang sa nabiktima nitong paglilinis ni Lacanilao. Noong October 2025 ay nagdatingan na itong mga plaka at kabilang nga tayo sa nabiyayaan ng magandang programa ng LTO. Hehehe! Ang masaklap, naiparehistro na ang ilang sasakyan para sa taong 2025 kung baga huli na ang dating nang kinasasabikang plaka.
Sa makatuwid rehistrado na ito, subalit ng sumapit naman ang buwan ng 2026 para sa bagong rehistro abay, marami ang tumaas ang dugo at nakipagtalo sa mga nag-iinspection kasi nga hindi mabasa ng scanner ang kanilang QR code.
Kaya naman, dali-dali tayong nagtungo sa District Office ng LTO sa Roxas City at doon lang natin nabatid na ‘yong plakang puti na nai-deliver sa bahay ay peke. Hehehe! Susmaryusep naman! Paano nga naman mababasa itong plakang puti na unang naipadala sa atin eh ‘bogus’ pala at halatang ginawan lamang ng paraan ng mga alipores ni Lacanilao upang masasabing naresolba na ang backlog ng plaka. Get n’yo mga suki?
Buong akala ng sambayanan naresolba na ang backlog ng mga plaka na ipinamana ng mga mandarambong na mga opisyales mula noong 2015..pero nag-backfire ito dahil may ilan tayong mga kababayan na nalagay sa kahihiyan matapos mahuli at masita sa ‘Fake Plate’.
Kaya sa mga suki na nagpalit na ng plakang puti abay, magtungo kayo sa inyong mga LTO upang masigurong orihinal ang inyong plaka. Madali naman kasi itong makikita dahil sa kanyang QR Code. Asikasuhin na ninyo ito nang hindi kayo maging gatasan ng mga buwaya at buwitre sa mga lansangan lalo na diyan sa Metro Manila na kung saan sa darating na October 5 ay aarangkada na itong ‘No Contact Apprehension Policy (NCAP) matapos na alpasan na ng Supreme Court ang TRO nito.
Hindi naman kasi kasalanan nitong si LTO Asec. Markus Lacanilao ang backlog sa mga plaka dahil sa mga dorobong mga dating opisyal ng mga nagdaang administrasyon. Subalit, kailangan din natin na makasiguro sa mga plakang naikabit sa ating sasakyan upang maiwasan ang abala.
- Latest




















