Enjoy lang kahit may sakit
Kagabi, may pinuntahan akong may sakit sa ospital. Pagpasok ko, imbes na siya ang umiyak, siya pa ang nag-joke: “Father, may 2 puting buhok ka sa kilay mo, mukhang mas matanda ka na sa akin!”
Natawa kaming dalawa. Siya na may sakit, siya pa ang nagpatawa. Doon ko naalala - hindi hadlang ang sakit para ngumiti.
Kasi totoo, ‘di ba? ‘Pag nagkakasakit tayo, nag-iiba ang mundo. ‘Yung dating malakas, biglang hingal. ‘Yung dating palatawa, biglang tahimik. ‘Yung dating “kaya ko pa,” nagiging “kaya ko pa ba?”
Pero kapatid, puwede pa ring mag-enjoy kahit may sakit.
Una, hindi ka ang sakit mo. You are not your sickness. May diabetes ka, pero hindi ikaw ang diabetes. May high blood ka, pero hindi ikaw ang high blood.
Huwag mong i-identity ang sakit sa sarili mo. Maraming tao, nung nagkasakit, sinama na pati pagkatao. “Wala na akong silbi.” Hindi totoo ‘yan. Ang sakit nasa katawan lang, pero ang halaga mo, nasa puso - at hindi ‘yan kayang sirain ng kahit anong laboratory result.
Pangalawa, minsan ang sakit ay paanyaya, hindi parusa. Akala natin pinaparusahan tayo ng Diyos. Hindi. Minsan bulong Niya lang ito: “Anak, pahinga ka muna. Nandito lang ako.”
Doon mo mare-realize na kailangan mo lang palang tumahimik, magdasal, at yakap ng pamilya.
Pangatlo, tawanan mo pa rin. Oo, mahal ang gamot. Mas mahal pa sa ulam. ‘Yung reseta mas mahaba pa sa suweldo. Pero ang pagtawa, libreng gamot ‘yan. Hindi man nito mapababa ang blood sugar mo, mapapagaan nito ang bigat ng puso mo.
Sabi ng doctor, bawal ang maalat at matamis. Bawal ang magpuyat. Pero walang doctor na nagbabawal ngumiti.
Tandaan mo: Hindi mo kailangang gumaling agad para maging masaya. Hindi mo kailangang maging malakas agad para maging buo. Minsan, ang tunay na kagalingan ay yung natuto kang mabuhay at magmahal kahit may sakit pa.
Kaya kung may sakit ka ngayon - high blood, diabetes, rayuma, o sugat sa puso na hindi makita ng X-ray - ito ang panalangin ko:
Lord, itinataas ko po sa Inyo ang lahat ng may sakit. Hipuin po Ninyo sila mula ulo hanggang talampakan. Bigyan Ninyo po sila ng lakas na ngumiti sa kabila ng pagsubok. Amen.
Sabi sa Awit 147:3, “Pinagagaling Niya ang mga pusong sugatan at binibigkisan ang kanilang mga sugat.”
Hindi ka Niya nakakalimutan. Nakaukit ka sa palad Niya, pati reseta mo, kita Niya.
Kaya kapatid, enjoy lang kahit may sakit. May gamot man o wala, may Diyos na hindi ka iiwan. Pagpalain po kayo ng Poong Maykapal.
- Latest


















