EDITORYAL - Gaano kahanda sa El Niño
Nagpapahanda na si President Ferdinand Marcos Jr. ng task force para sa paparating na El Niño, lalo na upang maprotektahan ang agriculture sector. Kinausap na rin ang National Irrigation Administration (NIA) tungkol sa paghahanda sa posibleng matinding tagtuyot.
Tamang kumilos ngayon. Dahil ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), isang “very strong” El Niño ang inaasahang magsisimula ngayong Oktubre at maaaring magpatuloy hanggang unang bahagi ng 2027.
Nasa 45 probinsiya na ang nakararanas ng rainfall deficit, at inaasahang lalo pang bababa ang pag-ulan sa mga susunod na buwan.
Pero hindi sapat ang task force at babala kung hindi ito agad magiging konkretong paghahanda.
May P6.2 bilyon nang inaprubahang farm at fuel assistance para sa farmers at fisherfolk. Humihingi rin ang Department of Agriculture (DA) ng dagdag na P3.5 bilyon para sa solar-powered irrigation systems.
Ang mahalagang tanong ngayon: gaano kabilis makararating ang tulong sa mga lugar na unang maaapektuhan ng El Niño?
Hindi lamang ani ang nakataya. Ang matinding El Niño ay maaaring makaapekto sa water supply, power generation at public health.
Isang pag-aaral ng University of Chicago Climate Impact Lab ang nagtantiyang maaaring magkaroon ng humigit-kumulang 6,500 heat-related deaths sa Pilipinas sa panahon ng Super El Niño, isang projection na nagpapakita kung gaano kaseryoso ang panganib kung kulang ang adaptation.
Kaya habang pinaghahandaan ang drought-resistant crops at irrigation, kailangan ding ihanda ang mga ospital, water systems, power supply at heat-warning mechanisms.
Dapat matukoy nang maaga ang mga komunidad na pinaka-vulnerable at doon unang ilagay ang tubig, ayuda at health intervention.
Sinasabi ng DA na mas handa ito ngayon dahil sa nakaraang El Niño. Magandang marinig iyon.
Pero ang tunay na sukatan ng paghahanda ay hindi ang dami ng planong inanunsiyo.
Kapag dumating ang tagtuyot, ang tanong ay simple: may tubig ba, may pagkain ba, may kuryente ba, at may tulong bang darating kung ang krisis ay lumala?
- Latest

















