‘Bad Boy’, niresbakan ng subpoena
“A subpoena has arrived”
Ito ang maikling anunsyo ni Senador Robin Padilla sa Senado nitong Setyembre 15, 2026. Simple ang mga salita, ngunit mabigat ang implikasyon ng pormal nang ipinatawag ng Department of Justice (DOJ) ang senador upang harapin ang reklamong Obstruction of Justice (P.D. 1829) na inihain ng Philippine National Police (PNP).
Ang ugat ng kontrobersya ang umano’y pagpapatakas niya kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa noong madaling-araw ng Mayo 14, 2026, matapos ang isang magulong insidente sa compound ng Senado. Si Dela Rosa, na nahaharap sa arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC) ay nakalabas ng establisimyento gamit ang sasakyan ni Padilla at mula noon ay hindi na mahagilap ng awtoridad.
Dito pumapasok ang malaking tanong sa usaping legal at moral: Batas ba o pakikisama?
Depensa ni Padilla, walang masama sa pagpapasakay kay Bato dahil wala naman itong “locally issued” o lokal na warrant of arrest sa Pilipinas noong oras na iyon. Para kay Robin ito ay simpleng pagtulong sa isang kasamahan sa Senado. Ngunit sa ilalim ng batas, ang pagkaalam na ang isang tao ay pinaghahanap ng hustisya—anuman ang hurisdiksyon—at ang pagtulong na mailayo ito sa posibleng pag-aresto ay may kaakibat na pananagutan.
Kaya obligado si Padilla na magsumite ng kanyang counter-affidavit sa harap ng DOJ Panel of Prosecutors sa pagdinig sa Setyembre 25 at Oktubre 9, 2026. Hindi na ito usapin ng pagiging “Bad Boy” ng pelikula kung saan ang bida ay nakalulusot sa mga barilan at habulan gamit ang karisma. Ito ay totoong buhay, totoong batas, at totoong institusyon.
Ang subpoena na ito ay paalala na ang Senado ay hindi kanlungan ng mga umiiwas sa pananagutan. Bagaman may immunity ang mga mambabatas sa ilang maliliit na paglabag habang bukas ang sesyon,ang hayagang pagharang o pag-antala sa pag-iral ng hustisya ay ibang usapan. Karapatan ni Padilla na ipagtanggol ang kaniyang sarili sa tamang forum. Ngunit sa mata ng publiko, ang isyung ito ay sumusubok sa prinsipyo ng Rule of Law.
Kung ang mga gumagawa ng batas ang siyang itinuturong tumutulong sa pag-iwas dito, paano pa natin makukumbinsi ang ordinaryong mamamayan na sumunod sa patakaran?
Haharapin ni “Binoe” ang DOJ at doon natin makikita kung ang kaniyang katwiran ay tatayo sa ilalim ng matikas na pagsusuri ng batas, o kung ang “pagpapasakay” na kaniyang ginawa ay magiging mitsa ng sarili niyang legal na pagkadapa.
- Latest



















