^

PSN Opinyon

EDITORYAL — MIND Bill

Pilipino Star Ngayon

MULING nabuksan sa Senado ang usapin ng infrastructure planning sa bansa matapos talakayin ang panukalang Masterplan for Infrastructure and National Development (MIND) Bill. Layunin nitong magkaroon ng pangmatagalang plano para sa mga kalsada, tulay, riles, flood control, pabahay, agrikultura, enerhiya, turismo, at iba pang proyektong kailangan ng bansa.

Maganda ang layunin. Sa rami ng kontro­bersiya sa palpak na flood control projects, ghost projects, overpriced projects, at mga proyektong hindi naman ramdam ng komunidad, malinaw na may problema sa paraan ng pagpili at pagpondo sa infrastructure.

Kailangan ng Pilipinas ng plano na hindi nagbabago kada palit ng administrasyon. Ilang beses nang nakita ang mga proyektong nasisimulan, natitigil, pinapalitan ng pangalan, o kinakalimutan dahil hindi na priority ng bagong nakaupo. Sa ganitong sistema, sayang ang pera, oras, at ang mamamayan ang talo.

Kung maayos ang disenyo, puwedeng makatulong ang MIND Bill para mabawasan ang ganitong kultura. Dapat may malinaw na batayan kung aling proyekto ang uunahin: kailangan ba ito ng komunidad, may economic value ba, may feasibility study ba, kaya bang pondohan at tapusin, at makatutulong ba sa pag-unlad?

Pero hindi rin dapat isipin na sapat na ang bagong masterplan para malutas ang problema. Ang problema sa infrastructure sa Pilipinas ay hindi lang kakulangan sa plano. Minsan, sobra ang plano pero kulang ang pananagutan.

Dito dapat mag-ingat ang Senado. May babala ang ilang economic managers na baka magdoble ang trabaho ng proposed MIND Council sa mandato ng Department of Economy, Planning, and Development. Kung ang resulta ng batas ay panibagong council, panibagong committee, at panibagong layer ng bureaucracy, baka madagdagan ang kalituhan sa halip na luminaw ang sistema.

Ang kailangan ay hindi dagdag na opisina, kundi mas malinaw na proseso. Dapat ­palakasin ang existing planning mechanisms, ayusin ang koordinasyon ng national agencies at LGUs, at siguruhing may tunay na monitoring mula planning hanggang completion. Dapat madaling makita kung sino ang nagpanukala ng proyekto, bakit pinondohan, magkano ang halaga, sino ang contractor, at ano ang resulta.

Mahalaga rin ang boses ng lokal na pamahalaan at komunidad. Sila ang nakaaalam kung saan bumabaha, saan kulang ang kalsada, saan kailangan ang farm-to-market road, saan dapat magkaroon ng mass transport at saan nasasayang lang ang pondo.

Kung magiging batas ang MIND Bill, dapat maging panangga laban sa insertions, pa­lakasan, at proyektong pang-photo op lamang. Hindi ito dapat maging makapal na dokumentong maganda sa papel pero walang ngipin sa aktuwal na paggastos. Ang infrastructure ay hindi dekorasyon ng admi­nistrasyon. Ito ay puhunan ng bayan.

MIND

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with