^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Mga ‘wanted’ ng batas na hindi malambat

Pilipino Star Ngayon

NALIMUTAN na ba ang mga wanted ng batas at hanggang ngayon, hindi pa sila nala­lambat? Hanggang kailan maghihintay ang mga kaanak ng biktima sa inaasam na hustisya o ipag­papasa-Diyos na lamang nila ang pagka­kamit ng katarungan?

Isa sa mga wanted ng batas na hindi mahuli-huli ng mga awtoridad ay ang dating Bureau of Corrections (BuCor) chief na si Gerald Bantag.

Si Bantag ang tinuturong “utak” sa pagpatay sa mamamahayag na si Percy Lapid sa Las Piñas City noong Oktubre 3, 2022. Binaril si Lapid habang patungo sa kanyang radio program dakong alas sais ng gabi. Nahuli ang gunman na si Joel Escorial at inamin na bina­yaran siya ng P550,000 para patayin ang mamamahayag.

Itinuro ni Escorial si Bantag at ang deputy nito na si Ricardo Zulueta. Sinampahan ng kaso sina Escorial, Bantag at Zulueta. Subalit nagtago si Bantag. Namatay naman si Zulueta nang atakehin sa puso. Hinatulan ng 16 na taong pag­kabilanggo si Escorial.

Walang balita kung saan nagtatago si Bantag. Sabi ni DILG Sec. Jonvic Remulla, pinuprotektahan si Bantag ng mga ka-tribu. Walang namang masabi ang Philippine National Police (PNP) kung saan nagtatago si Bantag.

Isa pang pinaghahanap ng batas at hindi rin mahuli-huli ay ang negosyanteng si Atong Ang na itinuturong “utak” sa 34 na missing sabu­ngeros. Nagtago si Ang makaraang ipag-utos ng Laguna Regional Trial Court na arestuhin ito kasama ang 17 iba pa na karamihan ay mga pulis.

Ayon kay Secretary Remulla, nasa Cambodia si Ang. Iniimbestigahan na raw kung paano nakalabas ng bansa ang negosyante. Maaring­ sa back door daw ito nagdaan. Lumutang naman­ na tinulungan si Ang ng mga retirado at aktibong police general para makatakas at ma­kalabas ng bansa.

Isa pa sa pinaghahanap ay ang “big fish” na si dating Ako Bicol party-list representative Zaldy Co na sangkot sa multi-milyong maano­malyang flood control projects sa Naujan, Oriental Min­doro. Napabalitang naaresto na sa Prague, Czech Republic si Co subalit makalipas ang isang linggo, sumambulat ang balitang nasa France na ito at humihingi ng asylum. Hanggang ngayon, walang balita kung nasaan na ang “malaking isda”.

May kakayahan pa ang mga awtoridad para malambat ang mga wanted sa batas? Ipagpapasa-Diyos na lamang ba ng mga kaanak ng biktima ang paghingi ng katarungan. Kumilos naman sana nang mabilis ang mga awtoridad para madakip ang mga pugante. Meron namang intelligence fund para matugaygayan ang mga wanted pero bakit hindi madakip? Uhaw na uhaw na sa hustisya ang mga kaanak ng biktima at dapat na nila itong makamtan. Huwag patagalin ang kanilang paghihintay.

JOEL ESCORIAL

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with