Walang krisis? Saang kweba kayo nakatira?
Ayon sa mga communication experts, “perception is reality.” Ang isang pananaw, lalo na kung pinaniniwalaan ng nakararami, tama man o mali, ay hindi lamang humuhubog sa ating pag-unawa sa katotohanan; nagiging bahagi ito ng realidad.
Halimbawa, kahit magpakita ang pamahalaan ng datos na bumababa ang bilang ng nagugutom, at ipagpalagay nating tama ito, kung ang pakiramdam ng marami ay gutom pa rin sila, iyon ang nagiging realidad. Maaaring tama ang datos, ngunit kung taliwas ito sa buhay na karanasan ng mamamayan, nawawalan ito ng bisa sa pampublikong pananaw.
Sa pagitan ng pampublikong persepsyon at konkretong realidad, dito dapat tumutugon ang ating mga lider. Kung marami ang naniniwalang nasa krisis na tayo dulot ng pagsirit ng presyo ng petrolyo, ito ang dapat kinikilala at tinutugunan. Mahalaga ang datos sa paggawa ng mga polisiya, ngunit kasinghalaga ang pakikidalamhati, agarang aksyon, malinaw na mga solusyon, at mahusay na komunikasyon.
Dito pumapalya ang administrasyon ni Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.. Sinasabi nitong “walang krisis,” ngunit bumubuo naman ng crisis committee. Ano ba talaga? Mistulang doktor na nagsasabing “malusog ang pasyente,” habang inihahanda ang ICU. Kung walang krisis, bakit may komite? Kung may krisis, bakit itinatanggi? To prevent a mass panic? Hindi ba mas lalong magpa-panic ang mamamayan at lilikha ng kalituhan kung magkakasalungat ang mensahe ng pamahalaan?
Hindi rin nakakatulong ang mabagal at papatse-patseng pagtugon. Mahalaga ang mga kagyat na hakbang tulad ng subsidyo, fuel excise tax freeze, at diskwento sa pamasahe, ngunit dapat itong ipatupad nang may sense of urgency. Higit dito, kailangan ang mga solusyon na tumutumbok sa ugat ng problema gaya ng seryosong pagrepaso sa ating energy policies.
Sapul din dito si Vice President Sara Duterte. Bagama’t madalas maglabas ng mga media statements at video messages, tila kapos na kapos sa pag-unawa at pagtugon sa krisis. Babasahin na nga lang ng pangalawang pangulo ang kanyang script sa teleprompter, palpak pa. Nasa krisis na nga tayo, may krisis pa ng pag-unawa si Sara.
Kaya itigil na ang denial. Kung seryoso ang ating mga lider sa pagtugon sa global oil crisis, magsimula sa tapat na paglatag ng kalagayan, pakikinig sa nararamdaman ng mamamayan, paglatag ng buo at magkakaugnay na solusyon, at higit sa lahat, mabilis na pagkilos.
- Latest















