Si Paul, ‘Yesterday’,‘Let It Be’, at si Mary
Walumpu’t-tatlong gulang na si Paul McCartney ngayong 2026. Sige pa ang paglikha niya ng musika at pagtugtog sa publiko. Taong 1957 pa siya nagsimula. Animnapu’t-siyam taon na siyang artista.
Kilalang-kilala ang mga awit ni Paul na “Yesterday”, “Hey Jude”, “Let It Be”. Konti ang nakakaalam na naulila siya sa edad-14.
Nurse at midwife sa ospital sa Liverpool si Mary Patricia Mohin. Marami inalagaan si Mary na namatay sa breast cancer. Nagagamot na ang breast cancer ngayon, pero nu’ng panahong ‘yon ay wala itong lunas. Nakaramdam si Mary ng lump sa breast. Nilihim niya ito sa dalawang anak, Paul at Michael. Di nagtagal, ginupo siya nito.
Malalim ang epekto kina Paul at Michael ng biglang pagpanaw ni Mary. Malimit na naririnig nila ang ama nila na umiiyak sa gabi sa kabilang kwarto.
Solo kinanta ni Paul sa album ang “Yesterday”. Saliw lang ng gitara niya. Ang linyang, “Why she had to go I don’t know, she wouldn’t say,” ay tungkol sa biglang paglisan ni Mary.
Taon 1957 nagkakilala sina Paul, 15, at John Lennon, 16. Makalipas ang isang taon namatay rin ang ina ni John, si Julia, sa aksidente sa kalye.
Naging malapit sila Paul at John. Hindi lang musika, kundi pati dalamhati ang nagdikit sa kanila. “Trauma bond,” ika nga ng editorial assistant kong Gen Z, si Angel. Gen Z din sana sina Paul at John kung ngayong taon sila unang nagkasama.
Sinulat ni Paul ang “Let It Be” bago matiwalag ang Beatles. Akala ng marami na ang linyang, “When I find myself in times of trouble, Mother Mary comes to me,” ay tungkol kay Birheng Maria. Hindi. Tungkol din ‘yon sa kaniyang ina.
Masaklap na namatay rin sa breast cancer ang asawa ni Paul na Linda McCartney nu’ng 1998. Isang taon siyang iyak nang iyak, tulad ng ama niya. Hay, ang buhay nga naman…
- Latest















