Herbosa pabaya sa pera ng PhilHealth members
INUTOS ni DOH Sec. Teodoro Herbosa sa PhilHealth na bayaran ang pang-ospital ng lahat ng nasaktan sa lindol sa Cebu, Set. 30-Okt. 1. Pasiklab siya. Parang pulitiko.
Hindi sa pagdadamot, pero hindi dapat gamitin ang pera natin sa PhilHealth para sa mga nasalanta. Dapat Department of Health ang tumustos sa paospital.
Ang sakuna ay public health emergency. Saklaw ‘yan ng DOH. May pondo ang DOH para sa ganyang sitwasyon. Parang pandemyang COVID-19 nu’ng 2020.
Ang PhilHealth ay personal na health insurance nating mga kasapi. Pinapangasiwaan lang para sa atin ng gobyerno. Pero tayong mga contributors ang may-ari nito.
Hindi komo chairman si Herbosa ng PhilHealth ay puwede na niyang ipamigay ang pera natin. Dapat nga pangalagaan niya. Takda ‘yan ng Corporation Law sa mga boards of directors. Tungkulin ng directors itaguyod ang interes at palaguin ang pera ng shareholders.
Purbahan ng gobyerno utusan ang SSS o GSIS na bigyan ng burial benefits ang mga nasasawi sa baha, sabog ng bulkan, o lindol – maski hindi kasapi. Maghihimagsik ang SSS at GSIS members.
Sa lindol sa Cebu, Department of Social Welfare and Development ang nagbigay ng burial benefits sa mga nasawi. ‘Yon ang dapat.
Nahaharap si Herbosa sa dalawang kaso sa Ombudsman. Isa, pagbebenta ng psychiatric drugs sa civic club, maski hindi awtorisadong magtingi ng gamot. Dalawa, pagpapabaya ng perang ambag ng World Health Organization sa DOH.
Nakahihinala ang asal ni Herbosa. Tila nagpapalapad ng papel. Hindi ako magugulat kung kumandidato siya sa Halalan 2028.
Hindi man siya pumasok sa pulitika, umaasal na rin siyang pulitiko. Protektado kasi ng mga nasa Gabinete at Kongreso.
- Latest

















