^

PSN Opinyon

Nang tamaan ng COVID-19 ang aking pamilya

KasamBuhay - Jing Castañeda - Philstar.com
Nang tamaan ng COVID-19 ang aking pamilya
Aming ipinagdiwang ang 19th wedding anniversary naming kasama ang frontliners ng Cardinal Santos Medical Center.

Hindi natin maiiwasan ang kamatayan. Kusa itong darating sa atin kahit hindi natin ito gustuhin. Napakasakit mawalan ng kapamilya nang dahil sa COVID-19, lalo na dahil hindi tayo makapagpaalam nang maayos sa ating mga mahal sa buhay. Walang huling yakap at halik. Limitado rin ang puwedeng makiramay dahil bawal ang maramihang pagtitipon.

Hindi ko lubos maisip ang hirap na dinaranas ng isang taong may malubhang COVID-19. Mag-isa sa kuwarto, walang kaanak na pwedeng mag-alaga, habang ang iyong katawan ay nanghihina.  Kung sa kasawiang-palad ay pumanaw ang iyong kapamilya nang dahil sa COVID, siya ay lilisang mag-isa.   Ito ang nangyari sa amin noong nawala ang aming pinakamamahal na si Kuya Kenn, ang kuya ng aking asawang si Nonong. Halos isang buwan rin siyang naka-confine sa ospital pero hindi niya kinaya. 

Malungkot isiping araw-araw, may nababalitaan kang kaibigan o kamag-anak ng iyong kaibigan na nawala nang dahil sa virus na ito. Pero iba pa rin talaga kapag sa iyo ito nangyari. Abot-langit pala ang sakit na mararamdaman mo. Ni hindi ko ito naisip na mangyayari sa amin, na kami ay mababawasan ng isang kapamilya nang sa COVID.

Dahil positibo sa COVID-19 ang aming pamilya, ni hindi kami nakadalaw sa memorial service ni Kuya Kenn.

Nang pasukin ng COVID ang aming tahanan

Kahit na ako, si Nonong, ang aming panganay na si Fiana, at ang aming mga kasambahay ay nabakunahan na ng Pfizer, kaming lahat sa bahay ay nagka-COVID pa rin. Si Nonong ang pinakauna sa aming nagkasakit. Gustuhin man naming alamin kung saan, kanino, at paano nahawa si Nonong, mahirap na itong gawin.

Nagkaroon ng malubhang COVID-pneumonia si Nonong, habang kaming lahat sa bahay ay mild symptoms lang. Malamang kaya mas bumilis ang paglubha ng kanyang kalagayan ay dahil na rin sa matinding lungkot sa pagkamatay ng kanyang kuya. Kasama na rito ang matinding pag-aalala rin sa kalagayan ng kanyang mga magulang na ni hindi na nakadalaw o nakita man lang si Kuya Kenn mula nang ito’y ipinasok sa ospital.  

Noong una’y nag-home care muna si Nonong. Pero nang napansin naming lumalala ang kanyang kalagayan, minabuti naming dalhin na siya sa ospital. Bago namin siya isinugod sa emergency room ng Cardinal Santos Medical Center, ang kanyang oxygen level ay bumaba sa 88%, habang ang normal ay dapat na 95% pataas.

Nag-88% ang kanyang pulse-oximeter reading kahit na mayroon na siyang oxygen support! Para siyang kinakapos ng hininga. Kaya naman ganoon na lang ang aming pag-aalala.

Ni hindi ko masabi kay Nonong na malala ang kanyang COVID-pneumonia dahil baka panghinaan siya ng loob.

Salamat sa Diyos at nagka-COVID din ako!

Nakapangungulila ang magkaroon ng COVID. Tulad ng nangyari kay Kuya Kenn, “normal” na kasi para sa isang pasyenteng may COVID ang mag-isa sa kuwarto at walang kaanak na nagbabantay para hindi mahawa ang kanyang mga kapamilya. Bilang kamag-anak naman ng maysakit, hindi mo rin mapigilang makaramdam ng matinding lungkot at pag-aalala dahil hindi mo maalagaan ang iyong mahal sa buhay na may COVID. Ni hindi mo siya nakikita kaya hindi mo alam kung ano ang nangyayari sa kanya.  Kaya para sa akin, laking biyaya at pasasalamat na pati ako ay nagpositibo sa COVID noong na-ospital si Nonong dahil pinayagan akong bantayan siya.  

Traydor na sakit ang COVID kaya kailangan tutukan at i-monitor ang pasyente. Nang kinausap ako ng mga doctor na kapag hindi gumanda ang kalagayan ni Nonong kahit na nabigyan na siya ng matatapang na gamot laban sa COVID (na katulad ng tocilizumab), malaki ang posibilidad na siya’y lalagyan ng tubo para makahinga o i-intubate.   Pag nangyari ito, posibleng magkaroon na raw ng mga kumplikasyon at liliit ang tsansa niyang gumaling. Nang marinig ko ito’y, para akong binuhusan ng malamig na tubig sa takot. Gusto kong umiyak, pero kailangan kong maging malakas para sa aking asawa. Ayoko siyang panghinaan ng loob. Buti na lang at nakasanayan ko nang bilang isang reporter ay bawal maging emosyonal.  Kailangang kalmado lang sa gitna ng mga problema at krisis, kaya napigilan ko ang mataranta. Ang tanging solusyon ay ang humingi ng panalangin at misa mula sa mga kaibigan at kapamilya. Kaya wala akong tigil sa kaka-text.  Naisip ko nga, totoo pala yung sinasabi nila na kapag ikaw ay nagipit at wala nang mapuntahan, lahat ng santo ay tatawagin mo at tanging ang Panginoon lang talaga ang iyong tatakbuhan.   



Nais naming ibahagi ang aming pinagdaanan para makapag-bigay ng lakas at inspirasyon sa iba pang mga pamilya. 

Tulad na aking sinabi sa aming Pamilya Talk episode (WHAT WE DID WHEN COVID HIT OUR HOME PART 1) , napakalaking tulong at ginhawa ang naidulot ng araw-araw na online healing masses, nobena at pagdarasal, kasama ang aming mga pamilya, kamag-anak, at mga kaibigan.   Talagang mararamdaman mo ang kapangyarihan ng dasal at ang lakas na ibinibigay nito sa iyong sarili. Ramdam mo kasi na may mga kakampi ka, kaya nabibigyan ka ng pag-asa na kaya mong mapagtagumpayan ang pagsubok ng COVID. Kung gumanda man ang kondisyon ng pangangatawan ni Nonong dahil sa mga gamot na ibinigay sa kanya ng mga doctor, ang tunay na nagpagaling sa kanya ay ang walang tigil na panalangin at pagmamahal na ipinakita ng mga taong nakapalibot sa amin. 

Pinaka-hindi malilimutang anibersaryo

October 5 ang aming 19th wedding anniversary at parang regalo sa amin ng Panginoon ang sinabi ng mga doktor na maganda ang epekto ng mga gamot kay Nonong. Bagama’t wala pa ring kasiguruhan ang kanyang kalagayan, lalo na’t traydor na sakit ang COVID-19, kahit paano, nakakita kami ng kaunting liwanag.   Isang simpleng selebrasyon ng take-out na inihaw at Japanese food, at maliit na cake at pastries para sa hospital staff ang aming pinagsaluhan sa kwarto. Ang online healing mass naman para kay Nonong ay naging anniversary mass na rin namin na pinangunahan ng pari na nagkasal din sa amin na si Fr. Steven Zabala.  Sabi nga namin, ibang klase ring magbiro ang tadhana!  Noon pa kasi namin pinaplano na bisitahin si Fr. Steve sa kanyang bagong parokya para magpa-misa sa aming naunang mga anniversary celebration. Pero hindi matuluy-tuloy. Ang COVID lang pala ang magiging daan para matupad ito! Noon pa rin kami nag-iisip bumiyahe para maging unforgettable ang aming selebrasyon. Pero dahil madalas ay periodical exams ng mga bata, hindi rin kami natutuloy. Ngayon, wala nang tatalo pa sa pagiging memorable ng aming selebrasyon sa Cardinal Santos! 

Ang mga community pantry ng dasal at pagmamahal mula sa mga kapamilya at kaibigan ang nagbigay sa amin ng lakas ng loob at pag-asa.

Hanggang ngayon, hindi namin alam kung paano magpapasalamat sa napakaraming mga taong nakasama namin sa pagdarasal, sa pagno-nobena at mga misa; mga nagpadala ng pagkain, gamot, at bitamina;  mga nangamusta lalo na sa aming mga anak na naiwan sa bahay habang nagpapagaling din sa COVID; at sa mga tumulong sa kahit na anumang paraan.   Nagpapasalamat din kami sa Cardinal Santos Medical Center management sa pangunguna ng kanilang napakagaling na Presidente at CEO na si Raul Pagdanganan, ang masipag na Medical Director na si Dr. Zenaida Javier-Uy, at ang aming mga mababait at magagaling na doktor na sina Rachel Lee-Chua, Sheila Arriola, at Marichu Catan. Taos-pusong pasasalamat din sa nurses at iba pang frontliners sa ospital na naging halos kapamilya na rin namin. 

Nawa’y gamitin kami ng Panginoon para patuloy na makapagbigay-pag-asa, lakas at inspirasyon sa mga pamilyang nahaharap din sa hamon ng COVID.

Ang ganitong pangyayari sa aming buhay ay hinding-hindi namin malilimutan.  Isa lang ang aming pamilya sa libo-libong nagdaan at magdaraan pa sa ganitong pagsubok. Mahirap tanggapin na nawala na si Kuya Kenn, pero laking pasasalamat din naman namin na gumaling ang aming buong pamilya, lalong-lalo na si Nonong. Kaya bilang pasasalamat sa Panginoon sa biyaya ng buhay at malusog na pangangatawan na ipinagkaloob niya sa amin, panalangin naming nawa’y gamitin Niya kami ng aming pamilya bilang instrumento para maipadama sa iba ang halaga ng matibay na pananampalataya at walang hanggang pagmamahal ng Diyos.
 

--

Watch Pamilya Talk on Facebook, YouTube, and Kumu (@JingCastaneda – 5:30-7:00pm Monday, Tuesday & Wednesday). You can also follow my social media accounts: InstagramFacebookYouTubeTwitter, and Kumu. Please share your stories or suggest topics at [email protected].

COVID-19

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with