House Speaker kulelat sa survey
TOPNOTCHER sa survey para sa first quarter ng 2021 ng lobbying and campaigns management firm na Publicus Asia si Presidente Duterte sa approval at trust ratings. Ginawa ang survey noong Marso 20-29, 2021 at nilahukan ng 1,500 respondents mula sa iba’t ibang dako ng bansa.
Ang Presidente ay nakakuha ng may 64.8% approval at 55% trust rating. Pumangalawa si Senate President Tito Sotto na may 40.9 % approval at 24.6% trust rating.
Nasa ikatlong puwesto si Vice President Leni Robredo na may 29.1 % approval at 18.6% trust rating. Pang-apat sa parehong survey ang retiradong Supreme Court Chief Justce Diosdado Peralta na may 28.4% approval at 15% trust rating. Nasa huling puwesto naman ang lider ng Kamara na si Speaker Lord Allan Velasco na may 25.4% approval at 14.5 % trust rating.
Karaniwan, nasa huling puwesto ang Chief Justice ng Korte Suprema. Nabaliktad ngayon dahil pangalawang beses nang nangulelat si Velasco sa survey ng Publicus Asia. Kulelat din siya noong Disyembre 3-9, 2020 survey dalawang buwan matapos maupo bilang lider ng Kamara.
Palagay ko, masyadong natuon ang bagong liderato ng Kamara de Representantes sa pamumulitika imbes na sa mga batas na mas kailangan ng taumbayan.
Inuna kasi ng liderato ng Kamara ang tanggalan at rigodon ng mga deputy speakers at chairmanships ng mga komite. Karamihan palibhasa sa mga itinalagang mga bagong opisyal ay mga kaalyado ni Velasco at tinanggal sa puwesto ang mga kaalyado ni dating House Speaker Alan Cayetano.
- Latest