Artificial intelligence: kabutihan, kasamaan
IPINAPALAGAY na magkakaroon ng “singularity” simula sa taon 2035. Ito ang pagsapit ng “super-artificial intelligence”. Lahat ng makinang gagawin ng tao ay para gumawa -- “manganak” -- ng iba pang makina. At lahat umano ng mga makinang ito ay magsisilbi sa tao: pagagaanin, pasasarapin, pahahabain ang buhay. Magiging mas magaganda, matatalino, malulusog, nakakatawa, at mapanlikhain lahat.
Ngayon pa lang ay nakikinabang na tayo sa artificial intelligence. Hindi lang napapa-memorya, kundi napapa-isip na rin nang sarili ang computers at gadgets. May advanced dictionary sa cell phone text, at naaanalisa ng Word program kung madali o mahirap basahin ang inakda. Sa musika, pumili lang ng isang paboritong awitin sa Spotify, at magpapatugtog na ito ng mga kasunod na parehong panahon, tiyempo, o paksa. May mobile app na nakakagawa ng appointment para sa beauty parlor o restoran, pati pagpili ng sinong manikurista o menu ng pagkain. May automated car na, walang driver pero alam ang destinasyon at ruta. May mga CCTV camera na kayang kilalanin ang mga kaduda-dudang tao, hindi lang sa suot kundi pati kibot ng mata, ilong, pisngi, at ngipin.
May masasamang gamit din ang artificial intelligence. Halimbawa, sa pagha-hack ng database ng banko para nakawan ng pera ang depositors. Dati-rati, utak ng tao ang ginagamit sa trial and error para matuklasan ang password ng depositor. Ngayon, computer na ang nagsusubok ng iba’t ibang kombinasyon ng numero at letra, capital man o lower case, para mabisto ang password. Mas mabilis, masinop, at malalim ang memorya.
Gan’un talaga ang teknolohiya: lahat at may mabuti at masamang paggamit. Halimbawa, inimbento ang bandana, baril, at motorsiklo para sa damit, seguridad, at sasakyan. Ngayon ginagamit sa pagnanakaw.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest