Mag-a-appoint ng Pinoy si Obama
MARAMING Pilipino-American ang nagdiwang at nakipagsaya makaraang manalo si Barack Obama. Nagkaroon ng kantahan at sayawan para ipagdiwang ang tagumpay ni Obama.
Pero kahit maraming Pinoy supporter si Obama, marami rin ang tumulong sa pangangampanya ng kalabang si John McCain.
Patunay lamang na talagang hati ang mga Pinoy sa pagsuporta kina Obama at McCain. Maraming matatanda ang sumuporta kay McCain samantala ang mga kabataan ay kay Obama. Sa kabuuan, mas maraming Pil-Am sa California ang aktibo sa pulitika noong nakaraang election. Mas maraming bumoto rito kay Obama. Dito rin naganap ang paglipat ng ilang leaders ng Pil-Am sa partido ni Obama na dating sumusuporta kay McCain.
Balita rito na kahit na daw hindi naging solid kay Obama ang mga Pinoy may plano pa rin ang bagong President na mag-appoint ng Pil-Am sa mahahalagang posisyon sa kanyang administrasyon. Hindi raw malaman kung saang state manggagaling ang Pil-Am na pipiliin ni Obama. Importanteng posisyon sa gobyerno raw ang ibibigay dito. Maaaring sa Chicago-Illinois pumili si Obama dahil tagarito siya.
Noong panahon ng kampanyahan, sinasabing makikinabang daw ang mga Pilipino kung si Obama ang mananalo dahil sanay ito sa Asians. Ipinanganak si Obama sa Hawaii at lumaki sa Indonesia. Malapit sa puso ni Obama ang Pilipinas na kapitbahay lamang ng kanyang bansang kinalakihan.
Sabi ng mga Pinoy, maganda raw ang mga programa ni Obama. Makikinabang hindi lamang ang Pil-Ams kundi pati mga kababayan sa Pilipinas. Dito malalaman kung naiiba ngang pulitiko si Obama.
- Latest
- Trending



















