6 pulis dawit sa P1.2 milyong robbery sa Caloocan

MANILA, Philippines — Nahaharap sa summary dismissal proceedings ang anim na pulis na idinadawit sa umano’y pagnanakaw sa dalawang indibiduwal, kabilang ang isang kapwa pulis, sa Caloocan City noong Nobyembre 16.
Ayon kay PNP spokesperson PBGen. Allen Rae Co, kinilala ng Northern Police District (NPD) ang mga suspek si PMaj. Jasper Benedict Santos ng CIDG, na nasa kustodiya na ng PNP; PCpt. Mikko Arellano, na suspendido nang 180 araw; at dating Patrolman Dan Lester Salazar, na sinibak na sa serbisyo. Pinaghahanap naman sina Senior Master Sgt. Orain S. Jerrie, Cpl. Kenn Remar Figueroa, at Patrolman Eardi P. Bautista, kasama ang sibilyang si Manuel Carlos at dalawa pang hindi nakikilalang suspek.
Iniutos ni PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang agarang pagsasagawa ng proseso para sa pagpapatalsik sa mga pulis na sangkot. Sinampahan na rin ng kasong kriminal si Santos.
Naganap ang robbery dakong alas-10:40 ng gabi sa labas ng isang tindahan sa William Shaw St., Barangay 87, East Grace Park. Nakatakdang makipagkita ang mga biktimang sina Patrolman Juan Enrico Calasin ng PNP Drug Enforcement Group at Edison Vinarao sa isang bibili sana ng gintong pulseras na nagkakahalaga ng P700,000.
Hinarang umano sila ng mga armadong suspek at tinangay ang kanilang Honda ADV 160, tatlong cellphone, 9mm CZ Shadow pistol ni Calasin at ang gintong pulseras na nagkakahalaga ng kabuuang P1.2 milyon. Sapilitan din umanong isinakay ang mga biktima sa isang sasakyan at iniwan sa C.P. Garcia Avenue malapit sa University of the Philippines Diliman sa Quezon City.
- Latest


















