3 Malaysian arestado, 11 nasagip sa scam hub

Pekeng FBI office nabisto
MANILA, Philippines — Nasagip ng National Bureau of Investigation (NBI) ang 11 biktima ng human trafficking habang tatlong Malaysian national ang dinakip sa pagsalakay sa isang hinihinalang online scam hub na isang pekeng opisina ng Federal Bureau of Investigation (FBI) sa Brgy. Victoria, Currimao, Ilocos Norte.
Sa report ng NBI, isinagawa ang operasyon noong Nobyembre 14 ng NBI-Pampanga District Office (NBI-PAMDO), katuwang ang NBI-Central Luzon Regional Office, NBI-Laoag District Office at Philippine Air Force (PAF), matapos humingi ng tulong ang isang babaeng inalok ng trabaho bilang virtual assistant. Sa halip na makapagtrabaho, ikinulong umano siya at pinilit na magsagawa ng online scam ng tatlong dayuhan.
Lumapit din sa mga awtoridad ang nasa 10 pang manggagawa at humingi ng saklolo at proteksiyon laban sa nasabing illegal activities.
Narekober sa lugar ang mga computer, tablet, cellphone, mga script, at iba pang kagamitang pinaniniwalaang ginagamit sa panloloko.
Nadiskubre rin ng mga operatiba sa ikalawang palapag ang isang kuwartong ginawang pekeng tanggapan ng FBI, na may bandila ng Amerika, FBI logo, mga jacket, sumbrero, badge, at identification card. Hinala ng NBI, ginagamit ang mga ito upang magpanggap na mga opisyal ng FBI at makapanloko ng mga biktima.
- Latest















