‘Bata’ ni Torre,itinapon ni Nartatez sa Mindanao
MANILA, Philippines — Ni-relieve at inilipat ng destino sa Mindanao ni Acting Philippine National Police chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. si P/Brig. Gen. Jean Fajardo bilang bahagi ng panibagong revamp na ipinatupad sa organisasyon.
Si Fajardo ay dating Spokesperson ni dating PNP Chief Gen. Nicolas Torre III na tinanggal sa puwesto matapos ang 85 araw na panunungkulan, ang pinakamaikling termino ng PNP chief kaugnay ng rigodon na ipinatupad nito na nagdestino rin kay Nartatez sa Mindanao.
Gayunman, ang nasabing revamp ay binago ni Department of Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla, bilang chairman ng NAPOLCOM dahil hindi umano siya nakonsulta ukol dito at itinalaga si Nartatez bilang acting PNP chief.
Si Fajardo ay nagsilbing tagapagsalita kina dating PNP chiefs P/ret. Gen. Benjamin Acorda, Rommel Francisco Marbil at Torre na kasalukuyang naka-leave.
Base sa ibinabang order ni Nartatez na may petsang Setyembre 6, si Fajardo ay tinanggal bilang Directorate for Comptrollership na pinalitan ni Major Gen. Westrimundo Obinque na mistah naman ni Nartatez sa PMA Class 1992.
Una nang sinibak ni Nartatez si Fajardo bilang Spokesperson ng PNP at itinalaga naman si P/Brig. Gen. Randulf Tuaño sa nasabing posisyon. Ang posisyon sa Mindanao ay ipinalalagay sa sirkulo ng PNP na kankungan umano.
- Latest




















