DSWD inayudahan mga residenteng binaha sa Quezon City
MANILA, Philippines — Nagpapatuloy ang pagbibigay ng tulong ng Department of Social Welfare and Development – National Capital Region (DSWD- NCR) para sa mga residente ng Quezon City na apektado ng matinding pagbaha nitong weekend bunsod ng Habagat at Low Pressure Area.
Nakapagsagawa na ng site visitation ang DSWD-NCR Disaster Response Management Division sa dalawang evacuation centers sa lungsod. Kabilang dito ang Dok G Headquarters Covered Court sa Barangay East Kamias at ang Multi-Purpose Gymnasium sa Barangay Old Capitol.
Dito ay pansamantalang naninirahan ang mga residenteng lumikas mula sa kanilang mga tahanan matapos ang mabilis na pagtaas ng tubig-baha na dulot ng malakas na buhos ng ulan.
Ayon sa DSWD NCR, layon ng kanilang pagbisita na personal na masuri ang kondisyon ng mga evacuees, tiyaking sapat ang tulong na kanilang natatanggap, at masiguro na ang kanilang pangunahing pangangailangan gaya ng pagkain, malinis na tubig, kumot, at iba pang non-food items ay agad na naipararating.
Kasabay nito, tuluy- tuloy ang koordinasyon ng DSWD sa lokal na pamahalaan ng Quezon City para sa maayos at mabilis na paghahatid ng ayuda sa mga apektadong pamilya.
- Latest
















