DA, industriya ng baboy magkatuwang sa implementasyon ng MSRP
MANILA, Philippines — Tiniyak ng Department of Agriculture at mga stakeholder ng industriya ng baboy na kanilang palakasin ang pagpapatupad ng Maximum Suggested Retail Price (MSRP) sa karne ng baboy.
Ang paniniyak ay kasabay ng pangako ng pribadong sektor na bantayan ang kanilang hanay upang mapigilan ang pananamantala sa mga consumer.
Kamakailan, isinagawa ang pulong at konsultasyon matapos ang inspeksyon ng DA sa mga palengke at nakitaan ng mababang pagsunod sa MSRP.
Binigyang-diin ni Undersecretary for Livestock Dante Palabrica ang pangangailangan na sundin ang gentleman’s agreement na napagkasunduan sa mga naunang konsultasyon.
Aniya, layon ng MSRP na magkaroon ng balanse sa pagitan ng interest ng producers, traders, retailers at consumers— lalo na sa harap ng patuloy na pressure sa inflation.
Bilang bahagi ng pangmatagalang solusyon, inanunsyo ni Palabrica ang rollout ng Php1 billion swine population program, na inaprubahan ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.
Ang inisyatiba ay ipapamahagi ang tinatayang 30,000 babaeng baboy sa mga malalaking farm, at bilang bayad sa gobyerno ay ipapamahagi ang mga pinalaking baboy sa mga backyard farmer.
- Latest






















