PGH nasunog uli, 140 pasyente inilikas
MANILA, Philippines — Nasa 140 pasyente ang nagawang ilikas nang magkasunog uli sa loob ng Philippine General Hospital (PGH) sa Ermita, Maynila, Sabado ng gabi.
Ayon kay Fire Superintendent Leo Andiso, deputy district fire marshal ng Manila Fire Department, bahagi lamang ng pagamutan ang naapektuhan o ang dating X-ray room na ginagamit na ngayon bilang bodega ng mga gamot.
Nabatid na nire-renovate ang nasabing silid para gawing storage room.
Nagdulot din ng tensyon sa mga pasyente at hospital staff ang usok na nakapasok sa emergency room ng ospital dahilan upang agad ang mga pasyente.
Nagsimula ang apoy alas-11:16 ng gabi na umabot lamang sa 20 minuto bago idineklarang fire-out.
Nang mawala na ang usok ay isa-isang ibinalik din ang mga pasyente sa ER.
Hindi pa tukoy ang sanhi ng sunog.
Magugunita na nitong Marso 13, 2024, sumiklab din ang sunog sa isang ward ng PGH at inilikas ang mga pasyente, medical personnel at mga kawani ng nasabing ospital.
- Latest