Magulang ng aktor, 1 pa tiklo sa droga

MANILA, Philippines — Arestado ang mga magulang ng isang aktor kasama ang isa pa na sinasabing mga ‘tulak; ng ilegal na droga sa isinagawang operasyon sa Quezon City, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang mga nadakip na suspek na sina Engelbert Peralta, 46; misis nitong si Jean, 49 at isang Ronie Telan, alyas Tangkad, 32 na pawang residente ng Kingspoint, Brgy. Bagbag sa Novaliches.
Ang mag-asawang Peralta ay sinasabing mga magulang ng aktor na si Hiro Peralta.
Ayon kay Supt. Rossel Cejas, hepe ng Novaliches Station 4 ng QCPD, dakong ala-1:15 ng madaling araw nang madakip ang tatlo sa isinagawang buy-bust operation ng kanyang mga tauhan.
Si alyas Tangkad ay sinasabing nasa drug watch list sa Brgy. Bagbag, dahil sa pagiging talamak umano nitong pagtutulak ng bawal ng gamot.
Nabawi mula sa mga suspek ang 9 sachets ng droga na nagkakahalaga ng P34,000.
Nabatid na si Engelbert ay dati nang sumuko sa ‘Oplan Tokhang’ ng pulisya noong nakaraang taon.
Hindi nagbigay ng pahayag si Engelbert, pero ang kanyang asawa at kasama ay itinangging nagbebenta sila ng droga sa halip ay sinabing nagbibingo lamang noong sila ay arestuhin.
Sinabi rin ni Jean na hindi siya gumagamit ng droga, pero inamin nito na ang kanyang mister ay paminsan-minsan gumagamit ng shabu.
Bukod sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act, mahaharap din sila sa reklamong disobedience at resisting arrest ang mga nadakip.
- Latest

















