PNP pinaigting ang seguridad sa pagsisimula ng ‘BER’ months
MANILA, Philippines — Tiniyak ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr. na paiigtingin nila ang seguridad sa Metro Manila at iba pang urban areas, at dadagdagan ang presensya ng pulisya at mga hakbang laban sa krimen sa pagsisimula ng “ber” months at mahabang Christmas season sa bansa.
Ang paniniyak ay ginawa ni Nartatez kasunod ng kayang kautusan sa mga police units na tutukan ang mga pamilihan, commercial establishments, terminal, at iba pang mataong lugar na inaasahang dadagsain habang papalapit ang Pasko.
Ayon kay Nartatez, layunin nitong maagapan ang krimen at matiyak ang ligtas, at mapayapang holiday season.
Hinikayat niya ang publiko na mag-ingat laban sa pagnanakaw, scam, at iba pang krimeng maaaring samantalahin ang pagdami ng namimili, paghawak ng pera, at paglalakbay.
Pinayuhan din ang mga residente na ingatan ang kanilang mga gamit, iwasang mag-post ng real-time na lokasyon online, at agad i-report ang anumang kahina-hinalang gawain.
Nabatid na maging sa Western Visayas, tuluy-tuloy ang pagpapalakas ng presensya at pakikipag-ugnayan sa mga komunidad bilang bahagi ng 32nd National Crime Prevention Week. Ayon kay PBGen. Randulf Tuaño, director ng Police Regional Office 6, mahalaga ang pakikipagtulungan ng publiko sa pagpigil sa krimen.
Samantala, sinabi naman ni PBGen. Christopher R. Dela Cruz, Regional Director na inatasan niya ang mga commander sa Oriental at Occidental Mindoro, Marinduque, Romblon, at Palawan na paigtingin ang seguridad sa mga pantalan, terminal, pamilihan, commercial areas, tourist destinations, lugar ng pagsamba, at iba pang mataong lugar.
Aniya, bahagi ito ng paghahanda sa inaasahang pagdami ng mga biyahero, turista, at mamimili habang papalapit ang Pasko. Tiniyak niyang nakahanda ang mga unit na tumugon sa mga insidente at maiwasan ang nakawan, scam, aksidente sa kalsada at iba pang banta sa kaligtasan.
- Latest





















