Bonoan, stable na – PNP

MANILA, Philippines — Inihayag ng Philippine National Police-General Hospital (PNP-GH) na maaari nang makalabas si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan matapos ideklarang “clinically stable” ang kanyang kondisyon.
Ayon kay PLtCol. Benaly Bayani, chief ng Internal Medicine Department ng PNP-GH, kontrolado na ang blood pressure ni Bonoan at patuloy siyang binibigyan ng maintenance medication. Tuluy-tuloy pa rin ang monitoring dito ng medical team.
Sinabi ni Bayani na wala namang bagong problema sa kondisyon ni Bonoan at nakadadalo pa ito sa mga pagdinig sa kabila ng pagkakaospital.
Gayunman, nakadepende sa Sandiganbayan ang paglabas ni Bonoan sa ospital dahil hospital arrest pa rin ang ipinaiiral sa kanya. Ani Bayani susundin ng ospital ang magiging kautusan ng anti-graft court.
Isinailalim sa hospital arrest si Bonoan dahil sa diabetes, hypertension, chronic kidney disease, at iba pang kondisyon sa kalusugan.
Samantala, nauna nang pinagbigyan ng 5th Division ng Sandiganbayan ang hiling ng Office of the Ombudsman na alisin si Bonoan bilang isa sa mga akusado sa mga kasong plunder at graft na nakabinbin sa anti-graft court.
- Latest

















