Jail Officer ng Bureau of Corrections, natagpuang patay sa condo
MANILA, Philippines - Masusing imbestigasyon ngayon ang isinasagawa ng pulisya matapos na matagpuang patay ang isang jail officer ng Bureau of Corrections (BuCor) sa loob ng isang condominium unit kahapon ng madaling-araw sa Malate, Maynila.
Hinihinalang may ilang oras nang patay si JO1 Tristan Cultivo, 31, residente ng #155 Posadas Village, Sucat, Muntinlupa City, na may tatlong tama ng bala ng baril sa ulo.
Lumilitaw sa imbestigasyon ni SPO3 John Charles Duran ng Manila Police District-Homicide Section na alas-12:30 ng madaling araw sa Rm. 2503 Burgundy Condominium sa 2442 Taft Ave., Malate, natagpuan ang bangkay ni Cultivo.
Napag-alaman na isang Atty. Vladimir Bungaring, 36, ang umano’y may-ari ng naturang condominium na huling umalis sa lugar dakong 11:00 ng gabi.
Palaisipan din sa pulisya kung ano ang ginagawa ng biktima sa condo ng abogado. Inaalam na rin kung may kinalaman ang abogado sa insidente.
Ang bangkay ng biktima ay kasalukuyang nakalagak sa St. Rich Funeral para sa awtopsiya at safekeeping.
- Latest