Hidilyn todo suporta sa mga atletang Pinoy
MANILA, Philippines — Ilang taon ding nagbigay ng karangalan sa bansa si weightlifter Hidilyn Diaz sa iba’t ibang tournaments sa Olympics, Asian Games, Southeast Asian Games at iba pang international competitions.
Kaya naman sa pagkakataong ito, ang Tokyo Olympics gold medalist na si Diaz ang numero unong supporter at cheerleader ng Team Philippines sa bawat laban nito sa 2026 Asian Games na ginaganap sa Nagoya, Japan.
Masaya si Diaz na makita ang tagumpay ng mga atleta sa Asian Games partikular na ang pagkopo ni Paris Olympics double gold medalist Carlos Yulo ng unang gintong medalya ng bansa Japan.
Binati ni Diaz si Yulo sa tagumpay nito na nagsisilbing inspirasyon ng ibang atletang lumalaban pa sa Asian Games.
“Congratulations kay Caloy for winning the first gold medal dito sa Asian Games,” ani Diaz.
Nasa Asian Games si Diaz bilang bahagi ng weightlifting team at naging parte rin ng Torch Relay ng quadrennial meet bago ang opening ceremony.
Dinadayo ni Diaz ang iba’t ibang events upang suportahan ang mga Pinoy athletes sa mga laban nito.
Nais ni Diaz na makapagbigay ng inspirasyon sa mga kapwa atleta nito gaya ng ginawa nito sa mga nakalipas na taon.
Si Diaz lang naman ang nakapagbigay ng kauna-unahang gintong medalya ng Pilipinas sa Olympic Games noong 2021 sa Tokyo habang gold medalist din ito sa Asian Games noong 2018 edisyon sa Jakarta, Indonesia.
- Latest
















