2 pekeng NBI agents, arestado sa pangingikil sa sabungan

MANILA, Philippines — Nasakote ang dalawang lalaki na nagpapanggap na mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) nang salakayin ng mga lehitimong ahente ng ahensya ang isang ilegal na sabungan sa Taytay, Rizal, nitong Martes, Setyembre 8.
Ayon sa ulat ng NBI-National Capital Region, sinalakay nila ang isang cockpit arena, kung saan dinatnan ang dalawang suspek na nagpakilalang NBI agents subalit walang maipakitang anumang dokumento na magpapatibay sa kanilang claim.
Narekober sa isa sa mga suspek ang isang baril at magazine na may 5 bala, na wala ring naiprisintang License to Own and Possess Firearms (LTOPF) at Permit to Carry Firearm Outside Residence (PTCFOR). Nasamsam din ang mga pekeng NBI IDs at tactical badges na gamit sa kanilang modus na makakolekta ng payola.
Nahaharap sa reklamong usurpation of authority at robbery extortion ang dalawang suspek natuklasang umiikot sa mga sabungan sa Taytay, Rizal para mangolekta ng lingguhang payola, sa diskarteng pananakot na sasalakayin kung hindi magbibigay ng protection money.
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, ang raid ay bunga ng nakalap nilang impormasyon hinggil sa lalaking nanghihingi ng payola sa mga sabungan sa Taytay.
Pinagsasabay umano ng mga suspek ang pangongolekta ng payola para sa NBI at para sa BIR diumano dahil sa mga hindi rehistradong betting machines kung saan hanggang sa mga sabungan sa Batangas at Laguna ay kanila ring binibiktima para manghingi ng lingguhang payola.
- Latest




















