Bronze inangkin ng high speed hitters

MANILA, Philippines — Muling tinalo ng PLDT ang Creamline sa ikalawang sunod na pagkakataon para angkinin ang bronze medal ng 2026 Premier Volleyball League (PVL) Invitational Conference.
Pinatumba ng High Speed Hitters ang Cool Smashers, 25-20, 20-25, 25-21, 25-22, sa kanilang banggaan para sa third place kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Bumanat si Fil-Canadian Savi Davison ng 29 points mula sa 26 attacks at tatlong service aces para sa PLDT dalawang araw matapos bumira ng career-high 37 markers sa 25-17, 23-25, 21-25, 25-23, 15-12 pagdaig sa Creamline.
Nagdagdag si Jovelyn Prado ng 12 points at may 10 markers si Kim Kianna Dy, habang tumipa si setter Kim Fajardo ng 15 excellent sets at may 17 digs si libero Kath Arado.
“Definitely marami kaming natutunan. Lagi kaming dapat halos perfect para makuha namin iyong pinaka-goal namin,” sabi ni High Speed Hitters’ coach Rald Ricafort. “Dadalhin namin iyong lesson sa next conference (All-Filipino).”
Naka-bronze din ang tropa ni Ricafort sa nakaraang 2026 All-Filipino Conference.
Pinamunuan ni Jaja Santiago-Minowa ang Cool Smashers sa kanyang 19 points at may 16, 11 at 10 markers sina Jema Galanza, Tots Carlos at Ishie Lalongisip.
Nakatakdang maglaro ang 6-foot-5 na si Santiago-Minowa para sa San Francisco Signal sa American professional league League One Volleyball (LOVB) sa Enero ng 2027.
Ito ang unang pagkakataon na walang nakuhang medalya ang Creamline sa nakaraang 19 komperensya.
Samantala, tinalo ng Farm Fresh ang guest team Ho Chi Minh City ng Vietnam, 25-10, 25-15, 25-15, para angkinin ang fifth place.
Pumalo sina Trisha Tubu at Ces Molina ng tig-14 points para sa Foxies.
- Latest

























