Alex umupo sa No. 20 sa world rankings
MANILA, Philippines — Isa na namang bagong career-high ang inupuan ni Pinay netter Alex Eala matapos pagreynahan ang katatapos na WTA 500 Mubadala D.C. Open kahapon sa Washington D.C.
Sumampa si Eala sa No. 20 sa bagong listahan ng Women’s Tennis Association (WTA) official rankings kung saan umangat ito ng walong puntos mula sa kanyang dating puwesto na No. 28.
Nakasiguro ng 500 puntos si Eala matapos patumbahin si top seed Jessica Pegula ng Amerika sa pamamagitan ng 4-6, 6-4, 6-0 panalo para masungkit ang kanyang kauna-unahang WTA 500 crown.
Mayroon nang kabuuang 2,106 puntos si Eala.
“Standing here in the middle of all this love, my first chance at the title knowing it won’t be my last,” ani Eala.
Masaya si Eala sa tinatamasa nitong tagumpay bilang kauna-unahang Pinay na nakasungkit ng WTA 500 crown.
“And already having achieved this feat and this milestone for my career, I knew that whatever would have happened after this match, it would have already been a win for me so thank you everybody and I really look forward to seeing you guys again,” ani Eala.
Nangunguna sa WTA rankings si Aryna Sabalenka na may 8,550 points kasunod sina Elena Rybakina na may 8,056 at Pegula na may 6,625.
Ikaapat naman si Coco Gauff na may 5,649 points kabuntot sina Mirra Andreeva (5,293), Karolina Muchova (5,168), Linda Noskova (5,016), Iga Swiatek (4,539), Svitolina (4,459), at Amanda Anisimova (4,353).
Maliban sa pagtaas ng rankings, nagbulsa rin si Eala ng premyong $252,000 (P15.4 milyon).
Aminado si Eala na hindi naging madali ang pinagdaanan nito bago makuha ang tagumpay.
Sunod na hahataw si Eala sa WTA 1000 National Bank Open sa Toronto, Canada na magsisimnula bukas kung saan niya makakarap si American Alycia Parks sa first round.
- Latest
















