Scalawag cops natakot sa basilan
MANILA, Philippines - Nairita si Philippine National Police Director General Ronald “Bato” Dela Rosa nang matanggap ang impormasyon na balak ng ilan sa 387 police scalawags na magbitiw na lang sa trabaho kesa ipadala sa Basilan at makipagbakbakan sa mga bandidong Abu Sayyaf Group.
“How I wish mare-resign na sila lahat, sabihan nyo sila para wala na akong gastos, hindi na ako manghiram ng C130 sa AFP para hakutin sila papuntang Basilan, para ikarga sila sa papuntang Basilan, sige mag-resign na kayo para wala na akong alagaan pa, sige sabihan nyo sila”, naiiritang pahayag ni Dela Rosa nang matanggap ang impormasyon.
Sinabi pa ni Dela Rosa na walang halaga sa kaniya kung mabawasan ang kaniyang mga tauhan ng mga scalawags cops basta ang importante ay ang mga matitino ang matira sa serbisyo.
Pinagpapaliwanag naman ang 48 pulis na nabigong humarap kay Dela Rosa bago ang mga ito ihatid kay Pangulong Duterte kung saan nasa 339 lamang ang sumipot sa Camp Crame noong Martes.
Nang dalhin naman ang mga ito sa Malacañang ay tinatayang mahigit 200 na lamang ang humarap sa punong ehekutibo matapos mag-uwian ang mga kasamahan ng mga pasaway na parak.
Sinasabing marami sa mga scalawags cops ay napaiyak na halos nang makatikim ng sermon at matitinding mura mula kay Pangulong Rodrigo Duterte noong Martes nang iharap ang mahigit 200 sa mga Malacañang.
Una nang sinabi ni Pangulong Duterte na pakakainin niya ng water lily, paglilinisin at paglalanguyin sa Pasig River ang mga scalawags cops na gagawing Task Force South na gagawing panlaban sa mga bandido sa Basilan na ang deployment ay sa loob ng 10 araw.
Samantala,pinayuhan naman ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Eduardo Año ang 387 police scalawags na huwag katakutan ang kanilang deployment sa Basilan dahilan dito nila makakamit ang kanilang “Medal of Valor”.
- Latest















