RC Cola-Army, F2 Logistics makikigulo sa liderato
MANILA, Philippines – Makapuwersa ng 3-way tie sa pangingibabaw ang tatangkain ng mga koponang RC Cola-Army at F2 Logistics sa pagsabak nila sa magkahiwalay na laban ngayong hapon sa 2016 Philippine Superliga (PSL) All-Filipino Conference women’s volleyball tournament sa Cuneta Astrodome.
Makakasagupa ng Lady Troopers ang Standard Insurance-Navy sa tampok na laban ganap na alas-6:00 ng gabi habang makakaharap naman ng Cargo Movers ang Generika ganap na alas-4:00 ng hapon.
Kasalukuyang magkasalo ang RC Cola-Army at F2 Logistics sa ikala-wang puwesto hawak ang kartadang 2-0 panalo-talo kasunod ng reigning champion na Petron na angat ng isang panalo kasunod ng straight sets win sa Cignal noong Martes ng gabi, 25-14, 25-13, 25-27.
Matapos ang unang dalawang panalo kontra sa Amy’s at Cignal, naniniwala si coach Kungfu Reyes na naibalik na ng Lady Troopers ang kanilang fighting form.
“So far I like what I’m seeing,” ani Reyes. “Our attacks are getting stronger, our defense is getting tighter. I like where we are now and I like where we’re headed.”
Ngunit hindi naman puwedeng magkumpiyansa dahil tiyak namang magsisikap ang Corvettes na makopo ang una nilang panalo sa pangunguna nina Pau Soriano, Nori Jane Diaz at Lilet Mabbayad.
“We’re very familiar with Army. We just have to match their intensity if we want to pull an upset,” ani Standard Insurance-Navy coach Nene Ybanez-Chavez.
Samantala, pormal na iaanunsiyo ni PSL president Ramon “Tats” Suzara ang unang dalawa sa pitong mga lokal na manlalaro na magiging bahagi ng koponan ng bansa na sasabak sa FIVB Women’s World Club Championship sa Manila sa Oktubre 18 -23.
Gagawin ang anunsiyo sa center court sa pagitan ng una at ikalawang laro na katatampukan ng pagbibigay ng golden ticket na magsisilbing imbitasyon ng liga para sa hamon na harapin ang walo sa pinakamagagaling na club teams sa buong mundo.
May kabuuang 24 na PSL stars ang nag-tryout noong weekend para sa pitong slots sa koponan kung saan sasamahan sila ng pitong imports mula sa mga powerhouse countries na gaya ng Brazil, Italy at Japan.
Maglalaban-laban para sa prestihiyosong torneo ang Hisamitsu Springs ng Japan, Rexona Ades ng Brazil, Pomi Casalmaggiore ng Italy, Bangkok Glass ng Thailand, Eczacibasi Vitra at VakifBank ng Turkey, Volero Zurich ng Switzerland at ang PSL All-Star team. (FML)
- Latest


















