PH sumipa ng silver sa Asiad sepak takraw
MANILA, Philippines — Kumana ang sepak takraw team ng pilak sa women’s doubles event kahapon sa 2026 Asian Games na ginaganap sa Nagoya City Mizuho Park Gymnasium sa Nagoya, Japan.
Nauwi sa pilak ang Pinay bets na sina Abegail Sinogbuhan, Jean Marie Sucalit at Nelly Jay Saron matapos lumasap ng 8-15, 4-15 talo sa kamay ng Vietnamese na sina Nguyen Thi Thu Trang, Nguyen Thi Khanh Ly at Le Thi Hong Lien sa gold-medal match.
Sa kabila nito, gumawa ng kasaysayan ang Pinay squad dahil ito ang pinakamataas na pagtatapos ng sepak takraw team sa kasaysayan ng Asian Games.
“Mixed emotions po kasi hindi talaga namin ine-expect na makaka-abot kami sa finals. Talagang hiniling nalang namin kay Lord na sana this Asian Games makakuha kami ng medalya kahit any color. Pero natapos po itong doubles event namin, binigay sa amin ni Lord itong silver medal. Sobrang sarap sa pakiramdam,” ani Philippine sepak takraw team captain Abegail Sinogbuhan.
Tinapos ng Pinay squad ang group stage tangan ang 2-1 rekord kung saan tinalo ng tropa ang host Japan at India bago yumuko sa South Korea.
- Latest




















