Kampo ni Sara, nagsumite na ng affidavit vs Gracioso
MANILA, Philippines — Naisumite na ng legal team ni Vice President Sara Duterte ang kanyang salaysay kaugnay sa mga paratang na ibinabato laban sa kanya ng dating pulis na si Rodulfo Gracioso Jr..
Nabatid na si Atty. Clifford Chua ang nagsumite ng affidavit ng bise presidente sa National Bureau of Investigation (NBI).
Ayon kay Chua, naniniwala siyang may basehan ang pagsasampa ng perjury laban kay Gracioso.
Gayunman, depende pa rin aniya ito kay VP Sara.
Matatandaang sa isang pulong balitaan ay una nang binasa ni VP Sara ang kanyang salaysay kaugnay sa paratang ni Gracioso na naghatid ito ng male-maletang pera sa kanya, sa utos ni dating House Speaker Lord Allan Velasco.
Dito ay mariin niyang itinanggi ang mga paratang.
“Mariin kong tinatanggi ang mga pahayag ni Rodulfo Mondigo Gracioso Jr. sa kaniyang sinumpaang salaysay at mga panayam sa media na iniuugnay ako sa mga pangyayaring hindi ko ginawa, hindi ko nalalaman, o hindi ko personal na naranasan,” ani VP Sara.
Sinabi rin ni VP Sara na pera at galit sa pamilya Velasco ang motibo ni Gracioso sa pagpaparatang laban sa kanya.
- Latest
























