Alciso naka-tanso sa surfing

MANILA, Philippines — Humirit ng tansong medalya si Jayuard Alciso sa men’s shortboard event ng 2026 Asian Games surfing competitions kahapon sa Long Beach Tahara sa Aichi, Japan.
Tinalo ni Alciso ang kababayang si Toby Espejon sa iskor na 11.64-8.90 sa kanilang all-Filipino battle-for-third match para masiguro ang tanso.
Nakuha ni Alciso ang 6.67 puntos sa kanyang unang pagsalang kasunod ang 4.97 puntos sa ikalawang pagtatangka.
Sa kabilang banda, mas mababa naman ang nailistang puntos ni Espejon na may 4.83 sa kanyang unang wave kasunod ang 4.07 sa second wave.
Nauna nang tinalo ni Alciso si Kanoa Heejae Palmiano ng South Korea sa quarterfinals matapos kunin ang 10.76-7.24 panalo para makahirit ng tiket sa semis.
Subalit bigo itong maipagpatuloy ang kanyang matikas na kamada nang lumasap ito ng dikit na 12.37-13.60 kabiguan kay Made Pajar Ariyana ng Indonesia sa semifinals.
Nanaig naman si Espejon kay Kishore Kumar Anbarasu ng India sa quarterfinals, 8.53-5.37, bago matalo kay Kanoa Iragashi ng Japan sa semifinals, 5.33-18.33.
Hindi naman pinalad si Juralyn Espanola na makapasok sa medal round ng women’s shortboard.
Umani si Espanola ng kabiguan kay Jasmine Michelle Studer ng Indonesian, 6.64-10.67, sa quarterfinals para tuluyang mamaalam sa kontensiyon.
- Latest






















