Romualdez 1 buwan sa PGH – Sandiganbayan

MANILA, Philippines — Mananatili sa Philippine General Hospital (PGH) si dating House Speaker Martin Romualdez simula ngayong Sabado, Setyembre 12, hanggang sa maglabas ng panibagong utos ang Sandiganbayan.
Ito ang iniutos ni Sandiganbayan Third Division Chairperson Associate Justice Karl Miranda, sa pagdinig nitong Biyernes.
Ayon kay Miranda, ipinasailalim si Romualdez sa independent medical examination sa PGH upang mapatunayan ang resulta ng pagsusuring isinagawa ng kanyang mga doktor sa Cardinal Santos Medical Center.
Layunin din ng pagsusuri na matukoy kung kinakailangan pa bang manatili sa isang ospital si Romualdez, na kasalukuyang naka-confine sa Cardinal Santos matapos makaranas ng pananakit ng dibdib.
Sinabi ni Third Division Clerk of Court Dennis Pulma na matapos ma-discharge si Romualdez sa Cardinal Santos sa Sabado, ililipat ang kanyang physical location sa PGH hanggang sa may panibagong utos ang korte.
Una nang kinuwestiyon ni Sandiganbayan Associate Justice Ronald Moreno ang mungkahi ng Cardiologist ni Romualdez na si Dr. Rody Sy na manatili ang kongresista ng apat hanggang anim na buwan sa ospital.
Ani Moreno, hindi katanggap-tanggap ang naturang panahon ng paghihintay dahil patuloy na nababatikos ang korte sa pagkaantala ng paglipat kay Romualdez sa regular na detention facility.
“Four-to-six weeks? Minumura na po kami ng tao,” pahayag ni Moreno.
Si Moreno ay kabilang sa tatlong mahistrado ng Sandiganbayan Third Division na dumidinig sa P7.4-bilyong plunder case laban kay Romualdez kaugnay ng umano’y P56-bilyong flood control scandal.
Samantala, sinabi naman ng admitting doctor ng Cardinal Santos Medical Center na si Dr. Kurt Allen Sibayan na ipinagtaka niya ang paghingi ng clinical abstract ni Romualdez ilang oras bago ito ia-admit sa ospital noong Setyembre 7.
Sa pagdinig, sinabi ni Sibayan na isang staff ni Romualdez ang humiling sa kanya, sa pamamagitan ng isang third-party doctor, na gumawa ng clinical abstract.
Ayon kay Sibayan, karaniwang inilalabas ang clinical abstract kapag na-discharge na ang pasyente.
Iginiit naman ni Dr. Rosalio Torres, overall coordinator at hematologist ng Cardinal Santos Medical Center, na wala umanong nakatakdang operasyon o anumang invasive medical procedure para kay Romualdez sa ngayon.
- Latest























