Pasok sa gobyerno sa Abril 5, half-day lang!
MANILA, Philippines — Idineklara ng Malakanyang na half-day o hanggang tanghali na lamang ang pasok sa lahat ng ahensiya ng gobyerno sa darating na Miyerkules, Abril 5, 2023.
Nakasaad ito sa memorandum circular No. 16 na ipinalabas ng Palasyo at pirmado ni Executive Secretary Lucas Bersamin na may petsang Marso 31.
Layon nito na bigyan ng pagkakataon ang lahat ng mga kawani ng gobyerno na maayos na maobserbahan ang regular holidays ng Abril 6 at 7 at bigyan rin sila ng pagkakataon na makabiyahe sa iba’t ibang rehiyon sa bansa.
Habang ang mga ahensiya naman na ang pangunahing tungkulin ay pag-deliver ng basic services at basic health services tulad ng mga paghahanda sa kalamidad at anumang emergency ay tuloy ang trabaho.
Ipinauubaya naman ng Malakanyang ang pagsuspinde ng trabaho sa management ng mga pribadong sektor.
Samantala, plano naman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mag-retreat sa panahon ng Semana Santa kasabay na rin ang pagninilay.
Hindi naman binanggit ni Marcos kung saang lugar gagawin ang retreat.
Habang gugugulin umano ng Pangulo ang Easter Sunday kasama ang kanyang pamilya.
- Latest
























