Pangulong Marcos kinalampag sa P22.5 bilyong lugi ng hog farmers
MANILA, Philippines — Nanawagan ang mga grupo ng magbababoy kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na agarang kumilos upang sagipin ang lokal na industriya ng baboy na umano’y lugmok dahil sa pagdagsa ng imported pork at mababang farmgate prices.
Sa liham na ipinadala sa Pangulo, sinabi ng Pork Producers Federation of the Philippines Inc. (PPFPI), Philippine Pork Council Alliance Inc., at iba pang grupo na nasa P130 hanggang P140 kada kilo na lamang ang farmgate price ng baboy, mas mababa sa production cost na P180 hanggang P190 kada kilo.
Dahil dito, nalulugi umano ang mga magbababoy ng hindi bababa sa P50 kada kilo o humigit-kumulang P250 milyon kada araw. Tinatayang aabot sa P22.5 bilyon ang pagkalugi ng sektor sa loob ng 90 araw kung walang agarang aksyon ang pamahalaan.
Samantala, hiniling ni AGAP Party-list Rep. Nicanor Briones sa Department of Agriculture at Bureau of Customs na paigtingin ang aksyon laban sa umano’y undervaluation, maling deklarasyon, at posibleng technical smuggling ng imported pork.
Kabilang sa mga mungkahi ng industriya ang pagtataas ng taripa sa imported pork, pansamantalang limitasyon sa importasyon, at mas mahigpit na inspeksyon sa mga inaangkat na produktong baboy upang maprotektahan ang lokal na hog raisers at mga mamimili.
- Latest

















